Apat na katao na pawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang napatay, isang babae ang inaresto, at 100 tulak at adik ang sumuko sa serye ng drug operation, iniulat kahapon.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), unang nasawi si Nelson Vinas, 51, ng 406 M.F. Jhocson Street, Sampaloc, dakong 4:15 ng hapon kamakalawa.

Sa report ng MPD-Station 4, nagsadya umano ang kanilang operatiba sa bahay ng suspek para arestuhin ito. Gayunman, nang makita umano ng suspek ang mga pulis ay bumunot ito ng baril at nagpaputok hanggang sa magkabarilan at namatay ang suspek. Arestado naman ang kinakasama niyang si “Evelyn”.

Dakong 12:30 ng madaling araw kahapon ay napatay ng mga tauhan ng MPD-Station 1 sina Winaldo Durion, 38, na naninirahan sa isang kubo sa gilid ng Community Market, Permanent Housing, sa Tondo; at Bryan Yungot, 34, ng 1572 Juan Luna St., Tondo habang nakatakas naman ang isa pa nilang kasamahan na nakilalang si “Emil”.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dakong 1:40 ng madaling araw naman nang mapatay ng MPD-Station 2 ang isang hindi pa nakikilalang suspek, tinatayang nasa edad 30 hanggang 35, may taas na 5’2”, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng gray na t-shirt at shorts.

Ang mga napatay na suspek ay pawang hinihinalang drug suspect matapos makumpiskahan ng plastic sachet ng shabu.

Samantala, mahigit 100 adik at tulak mula sa Barangay 100 at Barangay 105 ng District 1, Tondo ang nagtungo kahapon ng umaga sa MPD headquarters para kusang-loob na sumuko. (MARY ANN SANTIAGO)