ZAMBOANGA CITY – Isang empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Liloy, Zamboanga del Norte ang nagpanggap na dinukot sa integrated provincial bus terminal sa Sergio Osmena nitong Lunes ng hapon, upang makalaya umano sa kanyang live-in partner.

Tinawagan ni Gracechelle Mae S. Gubantes, 22, empleyado ng bangko sa Pagadian City, ang mga pulis upang i-report ang pagdukot sa kinakasama niyang si Joshua Jear Elia y Ragasa, 23, taga-Barangay Baybay, Liloy, kawani ng DENR-CENRO Liloy, Zamboanga del Norte.

Sinabi ni Gubantes na hindi niya kilala ang dumukot kay Elia, ngunit humingi umano ang mga ito ng P150,000 kapalit ng pagpapalaya sa huli.

Ayon sa salaysay ni Gubantes sa mga pulis, dakong 5:21 ng hapon nitong Lunes nang makatanggap siya ng text message na nakasaad ang: “Ready ny’o ang 150,000 within 2 weeks mag-text kami after 1 week.”

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Dagdag ng pulisya, nakatanggap pa si Gubante nitong Martes ng hapon ng chat messages mula sa account na “Joshua Elia” at naroon ang mga litrato ni Elia na hubo’t hubad na nakagapos sa loob ng banyo ng hindi tinukoy na lugar.

Sa tulong na teknikal, natunton ng pulisya ang lugar na kinaroroonan ni Elia sa GV Hotel sa Ozamis City, hanggang sa tuluyang nailigtas ang biktima dakong 8:30 ng gabi nitong Miyerkules.

Sa imbestigasyon, inamin ni Elia na gawa-gawa lamang niya ang kidnapping sa kanya upang tuluyan na niyang mahiwalayan si Gubantes. Nasa kustodiya na ng Ozamis City Police si Elia. (Nonoy E. Lacson)