direk-joyce-awra-vice-coco-at-onyok-copy-copy

ILANG tulog na lang at mapapanood na sa Miyerkules ang The Super Parental Guardians na pagbibidahan nina Vice Ganda at Coco Martin kasama sina McNeal ‘Awra’ Briguella, Zymon Ezekiel (Onyok) Pineda, at Pepe Herrera mula sa direksiyon ni Bb. Joyce Bernal produced ng Star Cinema.

Tinanong sina Vice Ganda at Coco sa grand presscon ng pelikula, sa Impressions Restaurant ng Resorts World Manila, kung ano ang naramdaman nila nang hindi mapasali ang pelikula nila sa MMFF 2016.

“Nalungkot,” simula ni Coco, “hindi ako nakapagsalita. Kasi, lagi kong sinasabi, everytime na nagmimiting kami sa Star Cinema, sabi ko, kahit hindi ako gumawa ng (pelikula) sa isang buong taon, basta makagawa lang ako ng isang filmfest, for Metro Manila Film Festival tuwing Kapaskuhan, ’yun ang talagang gusto kong gawin, bukod sa soap opera sa TV.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“And then, ‘pinangako ko kasi sa dalawang bata (Awra at Onyok), eh, sabi ko sa kanila nu’ng ano, ‘gagawa ako ng filmfest,’ sabi ko, ‘isasama ko kayo saka si Pepe,’ and then, siyempre, tuwang-tuwa ’yung mga bata.

“Kasi ako dumaan sa pagkabata na lagi kong nilo-look forward ‘pag Metro Manila Film Festival manonood kami ng family ko, bonding ‘yun. ‘Tapos nu’ng napasali ako sa Feng Shui at Beauty and The Bestie, naramdaman ko ‘yung saya.

“Kasi kapag nagpa-parade ka sa Roxas Boulevard, iba ‘yung pakiramdam na nakikitang nakikipag-interact ka sa tao nang personal na nakikita mong napakasaya nila habang nakikita, ‘tapos alam mo ‘yung (feeling) na may maireregalo ka sa kanila sa Kapaskuhan na lalo na ‘yung ginawa namin ‘yung Beauty and the Bestie, tuwang-tuwa ‘yung mga tao na lagpas na ang Pasko, ang saya-saya pa rin nila.

“Nu’ng binubuo namin ang pelikula, ‘yun ang purpose namin, pinaghahandaan namin na sa Pilipinas, alam mo na mahirap ang buhay minsan, ang isang pamilya o ang isang tao, ang pinaghahandaan na lang nila ay ‘yung Pasko. At ‘yung Paskong iyon ang time para makapag-bonding sila ng pamilya nila.

“Kaya kami ni Vice, sinu-sure namin na lagpasan ‘yung ginagawa namin para hindi ma-disappoint ‘yung mga taong manonood, lalo na sa comedy, si Vice ang bahala, ako naman sa action. Kaya nakakalungkot nu’ng nalaman kong hindi nakasali. Pero sabi ko na lang sa sarili ko, alam ko may magandang purpose ito, eh, hindi man kami nakasali, alam ko na may dahilan kung bakit.”

Pero nang mapagdesisyunan na ipalabas na sa Nobyembre 30 ang The Super Parental Guardians ay napalitan ng saya ang nararamdaman nila.

“At least, ang importante, sure tayo na maganda ’yung pelikula natin. Kaya ’yun po, ’yun ang nagpapalakas ng loob ko ngayon,” masayang sabi ni Coco sa ginanap na grand presscon ng SPG.

Naikuwento rin ni Coco na dapat ay sila-sila nina Onyok, Awra at Pepe lang ang magkakasama sa pelikula ngayong filmfest pero nang magkakuwentuhan sila ni Vice at banggit ang konsepto niya, nagustuhan ng Unkabogable Star kaya naman nagsabi ito sa Star Cinema na gusto rin nitong sumali sa pelikula ng Probinsyano boys.

Talagang riot daw ang shooting nila, pero hindi pa nila gamay noong una si Direk Joyce kaya takot na takot ang dalawang bida. Lalo na sa eksenang naliligo si Coco na pinaghubad talaga ni Direk Joyce na hindi naman daw magawang tumanggi ng aktor dahil baka isipin ng direktora na maarte siya.

“Siyempre, maski na kaibigan ko si Vice, naalangan pa rin ako kasi lalaki ako at saka ano siya, so nakakailang pa rin,” pag-amin ng aktor.

“Maski na magkaibigan kami, siyempre iba pa rin ang dating niya sa akin, may pagnanasa pa rin,” tumatawang susog naman ni Vice na ikinatawa ni Coco.

Marami pa sana kaming itatanong kay Coco pagkatapos ng Q and A pero sinundo na siya ng business unit head ng Dreamscape Entertainment na si Deo Endrinal para sa ginaganap na ABS-CBN trade launch na Marriott Hotel.

Nagustuhan ni Vice Ganda ang style ng pagdidirek ni Joyce Bernal kaya tinanong namin sa aming one-on-one interview sa kanya kung sa lady director na ba siya lagi magpapadirek ngayong wala na nga si Direk Wenn Deramas na paborito ng TV host/actor/judge/singer.

“Kung may time siya sa akin... Kasi nu’ng nakaraan magkasama kami sa bahay ni Angelica (Panganiban), niloloko namin siya, sabi namin, ‘Direk, gawa tayo ng pelikula?’ ‘Tapos sagot niya, ‘Marami akong ginagawa.’

Pumasa ba si Direk Joyce sa expectation ni Vice?

“Uy, sobra naman, Joyce Bernal ‘yan! It has been a brand to experience to work with her at ang sarap ng feeling, sobrang bait nga niya. Never siyang nagalit. Niloloko nga sila, eh, mas magulo pa ‘yung shooting namin ni Direk Wenn kasi kami ni Direk Wenn, sobrang close kami kaya nag-aaway kami lagi.

“Kami ni Direk Joyce, hindi siya nagagalit, never siyang nagalit, hindi nagtataas ng boses, laging kalmado. At saka kapag napanood ninyo ang pelikulang ito, lahat tayo magiging masaya,” sagot ni Vice.

Nakaramdam ba siya ng takot sa bulilit na direktor, dahil nga kilala ito na walang kinatatakutan o iniilagan.

“Oo naman, may takot ako kasi hindi ko naman siya kilala, hindi ko alam kung paano siya gumalaw, kung paano siya umatake, takot ako talaga. Kaya nga si Coco, di ba, sabi niya ayaw niya maghubad, pero hindi na siya aangal kasi natatakot siya kay Direk Joyce. Kasi siyempre ayaw naman naming masabihang matigas ang ulo namin kaya sumusunod kami,” paliwanag ni Vice.

At ngayong kilala na nila si Joyce Bernal, natatakot pa rin ba siya?

“Baka aarte na kami next time,” tumawag sagot sa amin.

Ano ang opinyon ni Vice sa mga napiling pelikulang para sa Metro Manila Film Festival?

“I chose to be positive. Wala naman akong magagawa um-agree man ako o hindi, di ba? Kung magsasalita ako, baka it may be taken against me pa. Baka hindi makatulong sa akin.

“I’d rather be positive, I wish them well and lahat naman kami nagpakahirap, ‘yung mga pumasok, nagpakahirap sila, kami rin nagpakahirap, kaya sana tangkilikin din lahat,” sagot ng komedtanteng aktor.

Dahil hindi na sila kasama sa Parade of the Stars, may ibang plano na si Vice ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.

“Dito kami magki-Christmas, pero aalis kami ng New Year, pupunta kami ng Paris, buong pamilya. December 26 ang alis namin at hanggang first week of January kami,” say ni Vice.

Umaasa ba siyang malalampasan ng The Super Parental Guardians ang kinitang P585M ng The Beauty and the Bestie noong nakaraang taon?

“Hindi ko alam, pero ganun talaga, di ba, kasi aware ang mga tao na aabangan nila ang mga records na sinet ko, eh.

Kaya may pressure. Pero alam ko namang magiging box office hit ito, and I am claiming, the Lord is with me. I am claiming,” nakangiting sabi ni Vice. (REGGEE BONOAN)