Sinabi ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong Miyerkules ng gabi na bubuksan niya ang sektor ng energy, power, at information and telecommunications sa mga banyagang negosyante upang mapalago ang ekonomiya.

“My decision now, this moment, is bubuksan ko ang Pilipinas,” sabi ng Punong Ehekutibo sa news conference sa kanyang pagdating sa Davao City International Airport mula sa kanyang unang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Lima, Peru.

Ayon kay Duterte, ang pagbubukas sa communications, airwaves, at buong energy sector ay magbibigay-daan upang mabilis na makausad ang bansa para sa kapakinabangan ng mahihirap.

“The only way for deliverance of this country is to remove it from the clutches of the few people who hold the power and money,” sinabi ng Pangulo.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“It’s about time that we share the money of the entire country and to move faster, make competition open to all,” dagdag niya.

Sinabi ni Duterte na isinasapinal na nila ang mga plano para buksan ang information and communications technology (ICT) industry sa mga bagong negosyante upang mapabuti ang kalidad ng serbisyo.

Iginiit ng Pangulo na hindi niya nais makaaway ang mga Ayala ng Globe Telecom at si Manuel V. Pangilinan ng PLDT-Smart Communications. Kayat kung maibababa nila ang kanilang singil, ay kakalimutan niya ang kanyang mga sinabi.

“Kung i-dive ninyo ‘yang presyo ninyo, walang problema... I-dive mo lahat ‘yang charges niyo... mahal eh kaya… papasukin ko ‘yang iba, ‘yung magsabi okay na kami maski mura lang,” aniya.

Sinabi rin ng Pangulo na sinisilip na nila ang regulatory requirements at institutional arrangements upang mapabilis ang pagpasok ng bagong players sa power industry at energy sector.

Ito ay sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian sa Energy Regulatory Commission (ERC).

“Kasi pagka ganito, with the corrupt government and with the limited area to move, you’ll stymie competition and we will always be at the mercy of the corrupt people in this planet.

“Let us open everything para matapos na itong kalbaryo ng Pilipino,” aniya. (ELENA L. ABEN)