CAMP DANGWA, Benguet - Tatlong small-scale miner, kabilang ang may-ari ng minahan, ang namatay sa magkakasunod na gas poisoning sa loob ng mine tunnel noong Martes sa Sitio Fatima, Barangayb Ucab, Itogon, Benguet, ayon sa Benguet Police Provincial Office (PPO) sa La Trinidad.
Kinilala ni Senior Supt. Florante Camuyot, provincial director, ang mga biktimang sina Rosalino Api-it Narciza, 54; Barry Rimando Api-it, 36; at Santiago Falikao Banganan, 32, pawang taga-Barangay Ucab, Itogon, Benguet.
Ayon kay Camuyot, ini-report sa pulisya ang insidente habang isinasagawa ang rescue operations, matapos makumpirmang na-trap sa loob ng kuweba ang mga biktima mula 11:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Sa imbestigasyon, mag-isang pumasok sa abandonadong mine tunnel ang may-aring si Narciza para kunin ang ilang kagamitan na matagal nang naiwan sa loob.
Makalipas ang ilang oras ay hindi pa rin ito lumalabas kaya sinundan siya ng pamangkin si Api-it, na hindi na rin nakalabas.
Nalaman ito ng iba pang minero sa lugar at nagpasya si Banganan na pumasok din gamit ang blower para maalis ang poisonous gas at mailigtas ang dalawa, pero hindi na rin siya nakalabas.
Gumamit na ng malaking blower ang mga rescuer para mabilis na mawala ang poisonous gas bago pinasok ang tunnel at unang nakita ang katawan ni Banganan, na hindi na umabot nang buhay sa ospital. Makalipas ang ilang minuto ay sabay na nailabas ang kapwa walang buhay na magtiyuhin. (Rizaldy Comanda)