HINDI dapat manlupaypay ang Duterte administration sa paglipol ng mga bulok na sistema na hanggang ngayon ay gumigiyagis sa gobyerno; masasalimuot na pamamahala na nag-ugat noon pang nakalipas na mga pamunuan.Bagkus, kailangang pag-ibayuhin ng kasalukuyang liderato ang pagsugpo hindi lamang ng kasumpa-sumpang mga bisyo kundi maging ng mga salot sa agrikultura.
Dahil dito, marapat lamang pangatawanan ng administrasyon ang totohanang pagpapatigil ng importasyon ng mga agricultural products. Natitiyak ko na kabilang dito ang bigas. Tulad ng ipinahiwatig ni Secretary Manny Piñol ng Department of Agriculture (DA), ang permit to import rice ang pinagpipistahan ng mga gahamang negosyante, lalo na ng mga hoarder; sila ang lumilikha ng artificial rice shortage na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas sa kapinsalaan ng maliliit na mamimili.
Isa pa, at ito ang lalong nagpapahirap sa sambayanan, recycled lamang o paulit-ulit ang ginagamit nilang importation permit na sinasabing kinukunsinti naman ng mga awtoridad na nagumon na sa mga katiwalian. Sila ang malimit bansagang mga buwitre ng lipunan o vultures of society. Sila ang mistulang lumulumpo sa mga magbubukid na halos makuba na sa pagsasaka; halos wala na silang kinikita sapagkat ang presyo ng kanilang inaani ay hindi makaagapay sa smuggled rice.
Dapat na ring madaliin ng administrasyon ang pagsasampa ng demanda laban sa mga rice smugglers na sinasabing kakutsaba ng ilang opisyal ng Bureau of Customs. Maliwanag na sila, tulad ng itinatadhana ng batas, ay maaaring papanagutin ng economic sabotage – isang asunto na walang piyansa.
Sa tindi ng hangarin ng administrasyon na sugpuin ang mga katiwalian, kailangan ang madaliang pagpapatigil ng onion importation. Kasama na rin dito ang iba pang produkto tulad ng bawang, asukal, karneng baboy at manok at iba pa.
Tulad ng bigas, sinasabing recycled din ang permiso ng mga ito.
Masyado nang kinakawawa ang mga onion farmer, hindi lamang sa Nueva Ecija – ang tinaguriang “Onion Capital of the Philippines” – sapagkat ang kanilang mga sibuyas ay laging nasasapawan ng mga imported onion. Mabuti na lamang at ang naturang lalawigan na pinamumunuan ni Gov. Cherry Umali, at ang iba pang opisyal ng mga probinsiya na nagtatanim din ng mga sibuyas, ay sumusuporta sa pangangalaga ng mga magsasaka laban sa mga salot ng agrikultura. (Celo Lagmay)