STA. MARIA, Bulacan – Dalawang bata ang nasawi at limang iba pa ang nasugatan sa pagsabog ng isang pagawaan ng paputok sa Sitio Bangka-bangkaan, Barangay Pulong Buhangin dito, kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Ashley Mayo, 2; at Bryle Mayo, 5.

Kaagad namang naisugod sa ospital ang mga nasugatang sina Mary Grace Mayo, 28; Ryan Magnai, 21; Raymund Muntante; at dalawang hindi pa nakikilala, ayon sa pulisya.

Nangyari ang pagsabog dakong 8:00 ng umaga kahapon sa pabrikang gumagawa ng mga paputok na skyrocket.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Pag-aari ni Wilfredo Alonzo, 49, natuklasan ng mga imbestigador na napaso na noong Hunyo 14, 2016 ang lisensiya ng pabrika para gumawa ng paputok.

Hindi pa tukoy ng awtoridad ang sanhi ng pagsabog.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya kung bakit may mga bata sa loob ng pagawaan ng skyrocket.

Ipinag-utos na rin ni Gov. Wilhelmino M. Sy-Alvarado kay Bulacan Police Provincial Office acting director Senior Supt. Romeo Caramat, Jr. na imbestigahan kung nagtatrabaho ba ang mga nasawing paslit sa mapanganib na pabrika ng paputok, at kung bakit pinahihintulutan ito. (PNA)