TAONG 1947 nang buksan ang isang Memorial Cemetery sa Fort Bonifacio sa Bicutan, Taguig City, para sa mga Pilipinong kawal na nagsilbi sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagwakas ang digmaan noong 1945 at isang bagong republika ng Pilipinas ang itinatag noong 1946. Dahil dito, nagkaroon na ng marapat na himlayan para sa maraming sundalong Pilipino na nasawi sa digmaan, mula sa mga private hanggang sa mga heneral.

Noong 1948, pinagtibay ng Kongreso ang Republic Act 289, “An Act Providing for the Construction of a National Pantheon for Presidents of the Philippines, National Heroes, and Patriots of the Country.” Nilagdaan ito ni Pangulong Elpidio Quirino bilang isang batas.

Taong 1954 naman, sa bisa ng Proklamasyon Bilang 86, ay binago ni Pangulong Ramon Magsaysay ang pangalan ng Memorial Cemetery at ginawang Libingan ng mga Bayani.

Pagsapit ng 1967, ipinalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Presidential Proclamation No. 208 na naglalaan ng 142 ektarya ng lupa sa Fort Bonifacio para sa sementeryo. Hindi lamang ito para sa mga sundalo, kundi naging dambana rin para sa mga bayani.

Noong 1993, ipinalabas ni Pangulong Fidel V. Ramos ang Executive Order No. 131, na nagsasaad na maging ang mga pambansang alagad ng sining at mga Pilipinong siyentipiko ay maaari ring maihimlay sa Libingan.

Ito ang kuwento ng libingan, kung paano itong nagsimula bilang libingan para sa mga sundalo, at kung paanong kinalaunan ay maaari na ring maihimlay doon ang mga pangulo ng bansa, mga bayani, at maging mga pambansang alagad ng sining at siyentista.

Inilibing nitong Biyernes si Pangulong Marcos sa Libingan, makaraang ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na kumokontra sa desisyon ni Pangulong Duterte na pahintulutan ang paghihimlay kay Marcos doon makalipas ang maraming taon. Isa itong desisyong legal, alinsunod sa batas, ang RA 289, na nagsasaad na maging ang mga dating pangulo ng bansa ay maaari ring maihimlay sa Libingan. Karapat-dapat din doon ang mga grupo ng “national heroes and patriots of the country” sa bisa ng umiiral na RA 289; at ang “national artists and national scientists” alinsunod sa Executive Order No. 131 ni Pangulong Ramos. At, siyempre pa, para sa mga sundalo na orihinal na pinaglaanan ng Memorial Cemetery.

Hindi lahat ng grupong ito ay bayani, ngunit karapat-dapat silang ihimlay sa Libingan batay sa umiiral na batas at atas at proklamasyon ng pangulo sa nakalipas na mga taon.

Naghain na si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III ng panukala na maglalaan ng bahagi sa Libingan ng mga Bayani para gawing Libingan ng mga Makasaysayang Pilipino, upang maihiwalay sila sa mga sundalo at bayani. Ang Libingan ng mga Bayani ay mananatiling himlayan para sa mga sundalo, gaya ng intensiyon sa pagtatatag nito noong 1947. Ang iba pa — mga presidente, pambansang alagad ng sining at siyentista, at iba pang mga tanyag na personalidad sa ating bansa — ay ihihimlay naman sa Libingan ng mga Makasaysayang Pilipino.

Isa itong panukala na marapat lamang na ikonsidera. Dapat nitong linawin ang lahat ng hindi pagkakaunawaan kung sinu-sino lamang — at sinu-sino ang hindi dapat — na maihimlay sa Libingan. Ito ang dapat na sumagot sa pagpoprotesta ng mga grupong laban kay Marcos na nagbabantang magdaraos ng mga kilos-protesta sa Libingan, habang ang ilan ay nananawagang hukayin ang kalilibing lang na labi ni Pangulong Marcos.