Humanga ang Foreign Minister ng New Zealand kay Pangulong Rodrigo Duterte sa maikling sandali na sila ay nag-usap sa Auckland noong Martes.
Sinabi ni Murray McCully na marami silang napag-usapan ni Duterte sa kanilang informal meeting, kabilang na ang pinagtatalunang South China Sea.
Nagkita ang dalawang lider nang mag-overnight stopover si Duterte sa Auckland, ang pinakamalaking lungsod sa New Zealand, habang pabalik sa Pilipinas matapos dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation summit sa Peru.
“He’s a tough guy but he was warm, courteous and actually quite charming,” sabi ni McCully sa New Zealand Herald matapos ang pagkikita.
“He doesn’t beat around the bush. He has got quite firm views and he expresses them, and very colorfully,” aniya.
Sinabi nitong Miyerkules ni Adham Crichton, tagapagsalita ni McCully, na hindi na magbibigay ng dagdag na komento ang opisyal kaugnay sa mga napag-usapan sa Auckland dahil hindi naman iyon formal bilateral meeting. (Reuters)