NAGING running joke sa mga event na dinaluhan namin nitong mga nakaraang araw ang pagkakaroon ng sariling film festival ang big three movie outfits at uunahan na nila ang Metro Manila Film Festival 2016 na magaganap sa December 25.
Sa halip tuloy na ang Magic 8 ng MMFF ang naipo-promote para tangkilikin ay ang mga pelikulang Chinoy: Mano Po 7, The Super Parental Guardians at Enteng Kabisote 10 ang laman ngayon ng mga pahayagan.
“They (MMFF selective committee) have to face the consequences, binago kasi nila ang tradisyon tuwing Pasko,” narinig naming sabi ng matataray na entertainment editors.
Sa grand presscon ng Chinoy: Mano Po 7, hiningan ng reaksiyon si Mother Lily Monteverde sa hindi pagkakasama sa MMFF ang pelikula niya.
“Of course, I feel so sad. When I heard about it, talagang umiyak ako. Quietly, I cried. Talagang it’s there already.
Wala na tayong ano (magagawa),” pahayag ng Regal matriarch.
May nakapagsabi pala sa Regal producer na muntik nang mapasama ang pelikula niya dahil pang-number nine raw at nagkaroon nga raw ng labanan sa pelikula niya at sa number eight slot na mas pinili siyempre ng screening committee.
“It’s sayang. After this year, next year’s festival, sana they’ll understand. It’s not that I’m teaching them, it’s something that all this poor people like C-D-E (crowd), like ‘yung mga carpenters, mga tao that they belong to this level of C-D-E, meron silang bonus. Once they get their bonus, they bring the whole family to the movies to watch the GP (General Patronage). Kasi sayang lang, nanghinayang ako sa mga bata. This is a family movie.
“But anyway, let’s hope next year, entire system should be changed,” aniya pa.
Gayunpaman, nilinaw ni Mother Lily na wala siya tutol sa indies, ang karamihan sa walong pelikula na ipalalabas sa MMFF.
“I don’t think I’m against indie movies because I was the original (producer of indie films) like Lav Diaz, Jeffrey Jeturian, lahat sila. We also had a festival, you still remember?”paliwanag ng lady producer. ”You know, there is a time for the indie movies but not Christmas season. Christmas is for the family.”
Mapapanood ang Chinoy Mano Po 7 sa December 14, 11 days bago ang MMFF 2016 at posibleng ibalik ito ng Enero 8 pagkatapos ng festival dahil tiyak na marami pa ang gustong mapanood ito.
Bida sa Mano Po 7 sina Richard Yap, Jean Garcia, Jessy Mendiola, Enchong Dee, Janella Salvador kasama sina Jake Cuenca, Kean Cipriano at Jana Agoncillo mula sa direksyon ni Ian Lorenos. (Reggee Bonoan)