Natakasan ng Philippine Azkals ang posibleng kasawian sa Asean Football Federation Suzuki Cup sa naipuwersang 2-2 draw kontra Indonesia upang panatiliing buhay ang tsansa sa semifinal round Martes ng gabi sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan.
Dalawang beses naghabol sa mainitang laban ang Azkals bago sinandigan ang kanilang team captain at top scorer na si Phil Younghusband para sa pinakahuling goal na nagtabla sa laro upang siguruhin ang kanilang ikalawang sunod na pakikipagtabla na nagtipon sa koponan ng dalawang puntos at pagkakataong makausad sa sunod na laro.
Ang resulta ay naglagay sa Azkals sa ikalawang puwesto sa Group A sa likuran ng nagtatanggol na kampeon na Thailand na agad nasiguro ang isang silya sa semifinals matapos na itakas ang 1-0 panalo kontra sa Singapore para sa kabuuang anim na puntos.
Kailangan ng Azkals na maipanalo ang huli nitong laban kontra sa matikas na Thailand sa Biyernes para makausad sa susunod na level.
“I think 2-2 is okay. We can live with 2-2. We have one more game and we have to something in that last game,” pahayag ni Philippine coach Thomas Dooley.
Isang direct free kick sa ika-83 minuto ng laro ang nagtabla sa Pilipinas sa ikalawang pagkakataon na nagmula kay Younghusband na isinalpak ang kanyang ika- 43rd goal sa internasyonal na laban.
Unang umiskor ang Merah Putih mula sa header ni Fachruddin Aryanto sa free kick ni Stefano Lilipaly sa ikapitong minuto. Nagawa naman itong itabla ng Azkals makalipas ang kalahating oras matapos itulak ni Misagh Bahadoran ang bola mula sa free kick ni Stephan Schrock. (Angie Oredo)