coco-onyok-direk-joyce-aura-at-vice-copy-copy

HINDI man napabilang sa Magic 8 ng MMFF ang pelikula nina Vice Ganda, Coco Martin, Awra at Onyok na The Super Parental Guardians, tiniyak ng It’s Showtime host na hindi nila bibiguin ang mga batang nananabik sa kanilang pelikulang pamaskong handog.

Inihayag ni Vice sa It’s Showtime last Monday na ipapalabas sa buong Pilipinas ang pelikula nila ni Coco sa November 30.

Sa aming panayam kay Vice sa hallway ng ABS-CBN after ng It’s Showtime, inamin niyang nasaktan siya nang malaman niya na hindi napasama ang kanilang pelikula sa MMFF. 

Human-Interest

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya

“Panata ko na ‘yun, na dapat taun-taon lagi kaming may regalo sa pamilyang Pilipino lalung-lalo na sa mga bata, kasi ang Pasko ay para talaga sa mga bata ‘yan, eh. Ito ‘yung panahon na lumalabas sila ng bahay kasama ang kanilang mga magulang, kakain sa mall at manonood ng sine,” sabi ni Vice.

Sa kabila ng pagkakaitsa-puwera, pinatatag si Vice ng mga positibong tweet na nababasa niya tungkol sa naging desisyon ng MMFF committee.

“Actually, nu’ng sinabi sa ‘kin na hindi kami pumasok sa listahan for filmfest, na-sad ako siyempre. Talaga namang normal ang malungkot. Sabi ko na lang, ‘Sayang wala akong pelikula sa filmfest’. ‘Tapos nang umuwi na ako, nagbasa ako ng Twitter, binasa ko ‘yung mga tweets, naiyak ako. Sabi ko, ‘Ang sarap sa pakiramdam na ganon ang nabasa ko na halos lahat puro positibo’. Doon ko na-realize na mayroon na pala akong magandang naibahagi sa pamilyang Pilipino na talagang naalala at inaaalala every year. Napagod nga ako kakabasa ng mga magagandang tweets para sa ‘kin, kaya nagpasalamat ako talaga.”

Nalungkot man siya noong una, ngayon ay doble ang saya ang TV host dahil mas bongga nga naman na mas maaga ang pagpapasaya niya sa mga bata at madlang pipol 

“Wala naman, ang mahalaga naman ay mayroon kaming produktong ihahain sa mga manonood, di ba? ‘Yung date lang naman ang nagkatalo, ‘yung date lang ang naiba, ganu’n, buo pa din ang regalo, matatanggap pa din ng mga pamilyang manonood para sa Pasko,” aniya.

Dahil ayaw niyang matigil ang kanyang taun-taong panata na magkaroon ng pelikula tuwing Kapaskuhan, sasali pa rin sila sa susunod na mga taon para sa MMFF.

“Sasali pa din kami, kasi panata nga ito, eh, kailangang pasayahin namin ‘yung mga bata. Parang sa mga bata kami na-in-charge doon, sa iba parang kayo na bahala doon sa mga pang-mature na pelikula, ‘yung mga sinasabing pangmatalinong pelikula, basta sa ‘min na ang mga bata,” madamdamin pang sabi ni Vice.

Ang Super Parental Guardians ay unang pelikula nina Vice at Coco na idinirihe ni Bb. Joyce Bernal. (ADOR SALUTA)