Tiyak na aangat sa world ranking si two-time world title challenger Jonathan Taconing matapos mapatigil sa 10th round si Salamiel Amit upang matamo ang bakanteng WBC International light flyweight title nitong Nobyembre 19 sa Elorde Sports Complex sa Paranaque City.
Unang laban ito ng 29-anyos na si Taconing matapos mabigo sa ikalawang pagkakataon na masungkit ang WBC light flyweight crown nang talunin sa 12-round unanimous decision ni Mexican Ganigan Lopez noong Hulyo 2, 2016 sa Mexico City.
Mula sa pagiging No. 1 contender ng WBC, dumausdos si Taconing bilang No. 7 at nawala sa world ranking ng WBA, IBF at WBO kaya inaasahang aangat siya matapos mapaganda ang kanyang rekord sa 23-3-1, tampok ang 19 knockout.
Bumagsak naman ang kartada ng mas batang si Amit sa 9-2-2.
Samantala, natalo ang ka-stable ni Taconing na si WBC Asian Boxing Council featherweight champion Silvester Lopez nitong Nobyembre 19 kay Aussie Luke Jackson sa kanilang sagupaan para sa bakanteng WBO Oriental 126 pounds title sa Hobart, Tasmania, Australia.
Naging pukpukan ang laban nina Lopez at Jackson pero nagwagi ang Aussie boxer sa mga kababayan niyang hurado na sina Tony Maretta, 98-93; Wayne Douglas, 97-93; at Charlie Lucas, 96-94. (Gilbert Espeña)