Muling hinimok ng mga militanteng grupo ang Korte Suprema na ipatigil at ipawalang-bisa ang taas-pasahe na ipinatupad ng Department of Transportation and Coomunications (DoTC) sa LRT at MRT, isang taon matapos itong ipatupad.
Naghain ng joint memorandum sa Korte Suprema ang grupong Bayan, dating Bayan Muna Party List Rep. Teddy Casino, dating LRT Administrator Mel Robles, Kilusang Mayo Uno, RILES Network, COURAGE, at Elvira Medina ng National Center for Commuter Safety and Protection.
Giit ng mga petitioner, walang kapangyarihan ang DoTC na mag-isyu ng kinukwestiyong Department Order 014-2014 na nag-aatas ng taas-pasahe. Inamin din umano mismo ng mga respondent na walang naganap na pagdinig kaya malinaw na nabalewala ang right to due process ng publiko. (Beth Camia)