Nakataya ang mga silya sa pambansang koponan habang magsisilbing final try-out ng mga pambansang atleta ang kambal na torneo ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na South East Asian (SEA) Youth Athletics Championships sa Marso 27-28 at Philippine National Open Invitational Athletics Championship sa Marso 30 hanggang Abril 2, 2017 sa Ilagan City, Isabela.
Ito ang inihayag nina PATAFA president Philip Ella Juico at secretary general Reynato Unso sa pagdalo kahapon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s, Malate kasama ang mga opisyales ng tatayong host sa torneo na sina Ilagan City Mayor Evelyn Diaz at Ilagan Committee on Sports and Tourism Chairman Jayve Eveson Diaz.
“We will form the national team, which will now be composed of young athletes, with the staging of the SEA Youth Athletics. We are looking at finding new talent and discover young athletes that will fill up the slots in all of the events played in the sports of athletics,” pahayag ni Unso, dating national record holder sa 400m high hurdles.
Kasama ring dumalo sina PATAFA secretary-general Nicanor Sering gayundin sina Region 2 PATAFA director Drolly Claravall, at Ilagan General Services Officer Ricky Lagui.
Umaasa si Unso na daragsa ang kabataang nagnanais na maging miyembro ng national team habang pinadalhan din nito ng imbitasyon ang lahat ng mga local government units na may mga mahuhusay na atleta para mapabilang sa Philippine national pool.
“The Philippine Open is the final try-out of our elite athletes for the Kuala Lumpur SEA Games that will be held in August 19 to 31,” paliwanag ni Juico.
Ito ang unang pagkakataon na maghohost naman ng internasyonal na torneo ang City of Ilagan na katatapos lamang na isagawa ang qualifying tournament para sa Palarong Pambansa para sa delegasyon ng CAVRAA. (Angie Oredo)