Bagamat itinuturing na isang “corporal work of mercy” ang paglilibing sa mga labi ng isang bangkay, nanindigan ang mga lider ng Simbahang Katoliko na hindi karapat-dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) ang dating diktador na si Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Iginiit ni Radio Veritas President Father Anton Pascual na ang LNMB ay lugar para sa mga bayani na karapat-dapat gawing huwaran at tinitingala ng taumbayan, na kabaliktaran aniya nang pinatalsik na dating pangulo.
Ayon kay Pascual, ang dating pangulong Marcos ay idineklara ng Korte Suprema na isang mandarambong o plunderer at guilty sa patung-patong na kaso ng paglabag sa karapatang pantao, na naging mitsa ng EDSA 1 people power revolution na pinangunahan ng yumaong Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.
Tiniyak rin nito na kaisa ng human rights victims ang Simbahan sa patuloy na laban upang makamit ang katarungan.
“The fight for justice still continues for the victims of Marcos regime,” aniya pa.
Gayunman, dahil sa pagkahati-hati ng sambayanang Pilipino sa palihim na paghihimlay sa dating pangulo sa LNMB, inihayag ni Pascual na kailangang igalang ang rule of law kahit hindi sang-ayon ang marami sa interpretasyon ng siyam na mahistrado ng Korte Suprema.
Dasal naman ng pari na maghari sa puso ng mga Pilipino ang pagpapatawad at kapayapaan. (Mary Ann Santiago)