NAGING emosyonal si Editha Tiamzon sa pagtapak niya sa nababakurang burol sa Sitio Masalay sa Barangay Salman sa Ampatuan, Maguindanao na natitirikan ng mga panandang bato bilang pag-alala sa 58 kataong namatay sa kahindik-hindik na massacre, pitong taon na ang nakalipas.

Ang lugar ay isa sa dalawang kinatagpuan sa mga bangkay, na 32 sa mga ito ay mamamahayag, ilang oras matapos ang walang awang pagpatay sa kanila noong Nobyemre 23, 2009.

Sa unang pagkakataon, binisita ni Editha, balo ng isa sa mga biktima, ang UNTV driver na si Daniel Tiamzon, ang lugar nitong Linggo ng hapon kasama ang 80 kapamilya ng mga napatay na mamamahayag, para gunitain ang ikapitong taon ng massacre.

“Napakasakit. Bumabalik sa ‘kin ang mga alalala at nakikita ko ngayon kung gaano kabrutal ang nangyari,” aniya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sumama siya sa convoy mula sa General Santos City, kung saan nanggaling ang mga napatay na mamamahayag, patungo sa lugar na pinangyarihan ng massacre.

Nagdaos ng misa ang grupo, nagsipagsindi ng kandila at nag-alay ng mga bulaklak sa puntod na nasusulatan ng pangalan ng mga biktima.

Ang kanilang pagbisita ay bahagi ng paggunita ngayong Miyerkules sa ikapitong anibersaryo ng massacre, na pinakamalupit na sinapit ng mga mamamahayag sa buong kasaysayan.

Ang aktibidad ay inorganisa ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at ng Justice Now Movement, na binubuo ng mga kamag-anak ng mga biktima ng massacre.

Sa kanyang homily, binanggit ni Fr. Rey Carvyn Ondap ang “compromised” na sistema ng hustisya sa bansa sa matagal na paglilitis sa kaso, na ang mga pangunahing suspek ay ang ilan sa mga miyembro ng pamilya Ampatuan, kabilang ang yumaong dating Maguindanao governor na si Andal Ampatuan Sr.

“After seven years, this is no longer an Ampatuan massacre. This is a judicial massacre,” sabi ni Fr. Ondap.

Inihayag niya na kahit wala na ang “Ampatuan kingdom” sa Maguindanao, nananatili pa ring mailap ang hustisya para sa mga biktima dahil sa hayagang kakulangan ng “delicadeza” ng mga nagpapatakbo sa justice system.

Binanggit din ng pari ang mga balita ng aniya’y manipulasyon at pagmamaniobra ng korte sa proseso, maging sa pagdedesisyon.

Hinimok ni Ondap ang mga pamilya ng mga biktima na manatiling nagkakaisa at huwag mawawalan ng pag-asa sa patuloy na paghahanap ng hustisya, gaano man katagal bago ito makamit.

Ibinahagi niya na pansamantala lamang ang lahat ng nasa mundo at “God will give us justice when we all face Him in heaven.”

“It should console us that someday, somehow, Christ — who who rules everything — will give justice for this,” aniya.

(PNA)