Wala pang natatanggap na ulat ang Department of Foreign Affairs (DFA) na may Pilipino na nasaktan sa pagtama ng 7.4 magnitude na lindol sa hilagang-silangan ng Japan malapit sa Fukushima prefecture kahapon ng umaga.

Sinabi ni DFA Spokesperson Charles Jose na ligtas ang mga Pilipino sa Japan at patuloy na binabantayan ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ang sitwasyon roon. “So far, there are no reports of any Filipino affected by the earthquake in Japan,” aniya.

Iniulat ni Philippine Ambassador to Japan Manuel Lopez na ligtas na ang isang Pinoy na napaulat na naipit sa ilalim ng isang sasakyan.

Sa datos ng DFA, mayroong 378,000 Pilipino ang nagtatrabaho at naninirahan sa Japan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

MARAMI PANG AFTERSHOCKS

Sinabi ng Japan Meteorological Agency na ang malakas lindol na tumama noong Martes sa baybayin ng Fukushima prefecture ay aftershock ng magnitude 9.0 na lindol na nagbunsod ng nakamamatay na tsunami sa parehong rehiyon noong 2011.

Nagbabala ang ahensiya na maaaring tumama ang isa pang malakas na lindol sa mga susunod na araw at hinimok ang mga residente na manatiling alerto sa loob ng isang linggo.

Ang magnitude 7.4 na lindol dakong 5:59 ng umaga ay nagbunsod ng moderate tsunamis, ngunit walang naitalang malaking pinsala. Ito ang pinakamalakas na lindol na tumama sa timog silangan ng Japan simula ng lindol noong Marso 11, 2011, na nagbunsod ng tsunami at ikinamatay ng mahigit 18,000 katao.

Niyanig ng lindol ang hilaga ng Japan at naramdaman ito hanggang sa Tokyo. Sandali ring naapektuhan ang cooling functions sa nuclear plant sa Fukushima. Pinalikas ang mga residente at pinayuhan na agad na magtungo sa mas mataas na lugar dahil sa posibleng banta ng tsunami.

Ayon sa Japan Meteorological Service, nakasentro ang lindol sa baybayin ng Fukushima prefecture at may lalim na halos 10 kilometro. Batay naman sa tala ng U.S. Geological Survey ang lindol ay magnitude 6.9.

WALANG TSUNAMI

Kaugnay nito, pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismoloy (Phivolcs) ang pangamba ng publiko sa posibleng pagkakaroon ng tsunami sa bansa kasunod ng lindol sa Japan kahapon ng umaga.

Sa inilabas na earthquake advisory ng Phivolcs, hindi magkakaroon ng tsunami sa bansa dahil malayo ang Pilipinas sa Japan.

“A strong distant earthquake with a preliminary magnitude of 7.3 occurred near the East coast of Honshu, Japan on 22 November 2016 at 5 a.m. Based on the available data, there is no tsunami threat from this event,” paglilinaw ng Phivolcs. (BELLA GAMOTEA, ROMMEL P. TABBAD, at AP)