kantner-copy

ZAMBOANGA CITY – Napaulat na humihirit ang isang mataas na opisyal ng Abu Sayyaf Group (ASG) ng P500-milyon ransom para sa pagpapalaya sa lalaking German na dinukot ng mga bandido habang sakay sa yate matapos na gahasain at patayin ang babaeng kasama nito sa Tanjong Luuk Pisuk, Sabah, Malaysia, mahigit dalawang linggo na ang nakalilipas.

Ayon sa source na ayaw magpabanggit ng pangalan, P500 milyon ang hinihingi ni Alhabsi Misaya, leader ng ASG, para sa pagpapalaya sa 70-anyos na German na si Juegen Kantner.

Nagpadala rin ang Abu Sayyaf ng litrato sa source upang patunayang buhay si Kantner at mahigpit na binabantayan ng mga bandido sa isang hindi tinukoy na lugar sa Sulu.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Maj. Filemon I. Tan, Jr. na ang nasabing ransom demand ay “unrealistic and is very high”.

Ayon kay Tan, wala pa silang natatanggap na anumang impormasyon tungkol sa nasabing ransom demand ng ASG, idinagdag na patuloy na nangangalap ng impormasyon ang intelligence sources sa Sulu tungkol sa kalagayan at kinaroroonan ni Kantner.

Mismong ang Abu Sayyaf ang nagsabing ginahasa nila si Sabina Wetch, ang kasama ni Kantner, bago nila ito binaril at napatay nitong Nobyembre 6.

Dakong 6:00 ng umaga nang araw na iyon nang madiskubre ng mga residente malapit sa Laparan Island sa Pangutaran, Sulu ang yate at nasa loob niyon ang hubo’t hubad na bangkay ni Wetch. (NONOY E. LACSON)