Sisimulan ng koponan ng Rain or Shine ang kanilang kampanya sa post-Yeng Guiao era habang matutunghayan na ang top pick ng nakaraang draft na si Mac Belo sa pagsabak ng kanyang koponang Blackwater sa unang laro ngayong hapon ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Makakatunggali ng Elasto Painters sa tampok na laro ganap na 7:00 ng gabi ang Talk N Text pagkatapos ng tapatan ng Elite at ng Phoenix Fuel Masters ganap na 4:15 ng hapon.

Hindi pa makakalaro si dating league 2-time MVP James Yap sa kampo ng Rain or Shine dahil nagpapagaling pa ito dinaanang anthroscopic surgery sa kanyang kanang tuhod.

Dahil dito, sasandigan ni coach Caloy Garcia ang kanilang mga old reliables na sina Beau Belga, Jericho Cruz , Jeff Chan, Gabe Norwood at rookie Mike Tolomia na inaasahan niyang papalit sa nabakanteng puwesto ni Paul Lee, na-trade sa Hotshots kapalit ni Yap.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Para naman sa katunggaling Katropa, hindi pa makakaupo ang bago nilang head coach na si Nash Racela dahil naka focus ito sa Far Eastern University na sasabak sa Final Four ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament.

Pansamantalang gagabayan ang TNT ni assistant coach Josh Reyes.

Mauuna rito, kasunod ng impresibong larong ipinakita ng kapwa rookie at Gilas cadet player na si Jio Jalalon para sa Star, aantabayanan naman ang ipapakitang laro ni Belo at kapwa niya rookie na si Ael Banal para sa Blackwater. (Marivic Awitan)