MAGSISIMULA ngayong araw ang joint military exercises ng Pilipinas at United States para sa isang-buwang Balance Piston sa Palawan, at nasa 40 pinakamahuhusay na sundalong Pilipino ang makikibahagi rito. Nagkasundo ang mga opisyal ng Amerika at Pilipinas na huwag nang gawin ang live-fire maneuvers, ayon sa tagapagsalita ng Philippine Army na si Col. Benjamin Hao. Isa itong pagbabago na epekto ng nauna nang deklarasyon ni Pangulong Duterte na bagamat inirerespeto niya ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng bansa sa Amerika, dapat nang ihinto ang mga assault at live-fire drill.
Ipinaliwanag ni Secretary of Foreign Affairs Perfecto Yasay Jr. sa mga mamamahayag nitong Biyernes ang mga pagbabagong ito. Sinabi niyang nakipagkita siya kay US Secretary of State John Kerry at sumang-ayon ang gobyerno ng Amerika na pagtutuunan na ngayon ng joint exercises ang pagtutulungan sa paglaban sa terorismo, ilegal na droga, at kurapsiyon, gayundin sa pagbabawas sa epekto ng kalamidad, sa halip na ang labanan.
Ayon kay Secretary Yasay, tiniyak ni Pangulong Duterte na irerespeto ng Pilipinas ang EDCA at ang iba pang kasunduan sa ilalim ng Mutual Defense Treaty, ngunit ang joint exercises ay hindi dapat na “demonstrative of preparing ourselves for any eventual attack from aggressors, particularly China.”
Sinabi ni Yasay na nilagdaan ang Mutual Defense Treaty noong 1951 sa panahong pinangangambahan na kapag nasakop ng mga Komunista ang Korea ay susunod na ang iba pang bansa sa rehiyon — ang Vietnam, Cambodia, Laos, Thailand, at Pilipinas—gaya ng nagbabagsakang domino. Gayunman, hindi nangyari ang teoryang domino, aniya. Sa Timog Silangang Asya ngayon, mayroong matatag na Association of Southeast Asian Nations, sa halip na ang pinangangambahang pagkontrol ng mga Komunista.
“So we have told the United States that maybe we should tone down and not focus on joint military exercises,” sabi ni Secretary Yasay. Sa halip, ang pagtutuunan ay ang pagtutulungan laban sa mga bagong banta, gaya ng terorismo, ilegal na droga at mga kalamidad.
Sa nakalipas na mga buwan, ang mga pahayag ng Pangulo tungkol sa ugnayan ng bansa sa Amerika ay inilarawan bilang kontrobersiyal at kinakailangan pa ng mga paglilinaw, interpretasyon at pagbibigay-katwiran, na hinimok pa ng isang miyembro ng gabinete na unawain ang mga pahayag ng Presidente nang may malikhaing imahinasyon. Karaniwan nang negatibo ang pagtanggap dito, habang pinipaboran ang malapit na ugnayan sa China, gayundin sa Russia.
Isinusulong ngayon ang bagong polisiyang panlabas ng Pilipinas. Hindi ito pagtalikod sa ating malapit at tradisyunal na ugnayan sa Amerika, kundi isang pagbabago na sinasaklaw ang mas malapit na ugnayan sa iba pang mga bansa, partikular na sa higante nating kalapit-bansa sa hilaga-kanluran, ang China. Mayroon tayong mga isyu sa China, partikular na sa mga inaangkin nating bahagi sa South China Sea, ngunit naniniwala si Pangulong Duterte na pinakamainam na resolbahin ang mga ito sa ilalim ng isang bago at higit na nagsasariling patakarang panlabas. Ang bagong tututukan ng Balance Piston ay may kaugnayan sa bagong polisiya nito.