HININGAN si Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta ng reaksiyon sa pagkakadawit ni Ormoc City Mayor Richard Gomez sa droga nang ganapin ang kanyang get-together with the entertainment media.
“Ang dapat gawin ni Richard ay harapin niya with composure. Kung hindi naman totoo, eh, di magwawagi siya dahil inaalis naman sa listahan,” sabi ng PAO chief. “(Kaya) kapag tumakbo ka sa kandidatura, dapat mapili ka kung kanino ka tatanggap ng donasyon. Kasi ‘yung iba, tanggap lang nang tanggap ng donasyon. Dapat alam mo. Tulad kayo (entertainment press), halimbawa, may nagdo-donate sa Enpress, sa PMPC at SPEED, namimili rin siyempre kayo, mahirap ‘pag hindi legitimate. Dapat legitimate ‘yung source.”
Naitanong din sa kanya kung humingi ba ng tulong sa PAO sina Sabrina M at Krista Miller na nakapiit ngayon dahil nahulihan ng droga.
“Hindi ko masabi kasi ang laki ng PAO (Public Attorney’s Office), eh. Meron mga humihingi, si Sugar (Mercado, may kaso sa asawa), humingi ‘yun. Pero later on, kumuha rin ng private kasi siyempre sa stature niya.
“Si Amalia Fuentes, lumapit, pero for advice, puwede naman magpa-advice, ke mayaman o mahirap,” pahayag ni Atty. Acosta.
Nilinaw din ng PAO chief na kapag may humihingi ng tulong sa kanilang opisina, maging iyong involved sa drugs, ay hindi puwedeng hindi nila tulungan.
“Hindi naman puwedeng tanggihan, basta karapat-dapat na tulungan, ke may kasalanan o wala. Pagdating kasi sa hukuman kapag wala kang lawyer, ke kriminal ka o hindi, puwede ang PAO. Kailangan ng due process,” aniya.
Nabanggit din na lahat ng sangkot sa droga, artista man o hindi, ay pinagbabagong buhay na at inuutusang magpa-rehab, o mag-voluntary submission para ma-test.
“May mga nagpapa-rehab naman, pero secret lang tayo kasi may mga dangal din naman ang mga ‘yan,” sabi pa ni Atty. Persida. “Nu’ng araw kaya para magising, nagsa-shabu, inaalis na natin ‘yan, magkape na lang kayo.”
Tinanong namin kung noong early years ni Atty. Persida ay nasubukan din ba niyang tumikim ng droga dahil sa peer pressure.
“Ako? Mukha ba akong drug addict?” tumaas ang tonong sabi sa amin. “Hindi ako lumaking pasaway kasi lumaki ako sa pamilyang konserbatibo, saka preacher ako ng Bible noon, 6:30 AM. Mula thirteen hanggang thirty years old preacher ako ng Bible. Nu’ng mag-asawa ako, doon lang ako natigil,” kuwento sa amin ng PAO Chief.
Naitanong din sa kanya kung posibleng sa rehabilitation center na lang makulong si Mark Anthony Fernandez na nakapiit ngayon sa Angeles City, Pampanga dahil nahulihan ng isang kilong marijuana.
“Depende sa abogado niya, may private lawyer. So depende pa rin sa magiging future ng kaso. Anything is possible.
’Yang mga user, kinaawaan ‘yan hindi dapat kamuhian, dapat ipagamot. Ang dapat sisihin ‘yung mga nagti-trade. Kasi ‘yung mga nagti-trade, kumikita sila, talagang milyones, at the expense ng ating mga artista, masang Pilipino. Kaya ang tinutugis, mga drug lord.
“At hinuhuli na sila ngayon, maganda ang outcome. Ngayon ang mga kabataan, bihira nang gumigimik after midnight.
Kahit mga artista hindi na nagtatagal sa gabi, di ba? Mga shooting nga, di ba, hangga’t maaari maaga na ang cut-off nila kasi nga delikado sa kalusugan at may temptation na mabentahan ng kung anu-ano.
“Ngayon ang mga bata kapag aalis hindi na kinakabahan ang mga magulang, nu’ng araw talagang hindi makatulog ang magulang kapag hindi pa umuuwi mga anak,” pahayag ni Atty. Acosta.
Kung sakaling isapelikula ang buhay niya, sino ang gusto niyang gumanap?
“Si Lorna Tolentino, si Jaclyn Jose at ‘pag bata pa, si Kristine Hermosa,” napangiting sagot sa amin.
Hmmm, mukhang sakto nga ang mga nabanggit dahil hawig din naman sila ni Atty. Persida.
Kahit abala sa trabaho, may oras naman daw siya para manood ng sine at sa katunayan ay excited siya sa nalalapit na Metro Manila Film Festival dahil nakakapag-relax siya kasama ang pamilya.
Kaya hiningan siya ng reaksyon tungkol sa line-up ng pelikulang mapapanood sa MMFF na taun-taon palang pinanonood ni Atty. Persida.
“Okay lang ‘yun, tiyak namang kikita ang mga pelikula nina Tito Vic (Sotto), Vice (Ganda) at Coco (Martin) kapag ipinalabas na sila. Eh, kahit wala sila sa festival, palampasin lang ‘yan, kikita pa rin mga pelikula nila,” say ng abogada.
May lumapit na ba sa kanya para maging miyembro o chief ng MTRCB?
“Ayaw ko sumali diyan, matrabaho ‘yan,” natawang sagot sa amin.
Nakakatuwang kausap si Atty. Persida Acosta dahil marami siyang kuwento na pawang interesting lahat, hindi nga lang niya puwedeng sabihin ang ibang nangyayari ngayon sa gobyerno dahil, “My lips are sealed.”
Malapit sa entertainment press ang PAO chief dahil sa kanila siya nakakahingi ng tulong kapag may mga balita na kailangang ilabas na kung minsan ay hindi napapansin.
Ang agam-agam niya ngayon ay baka hindi na niya makapiling ang entertainment media kapag ipinatawag na siya sa Supreme Court.
“Kasi kapag sinuwerteng mapapunta ako sa SC, maraming restrictions na, hindi na puwede ang get-together na tulad nito, eh, malapit kayo sa puso ko. Pero huwag kayong mag-aalala kasi nasa isipan at puso ko pa rin kayo.
“Ipanalangin natin at makakaasa kayo na kapag ako’y napapunta roon, eh, pawang katotohanan pa rin at pantay na batas ang isusulong ko at hindi mawawala ang tiwalang ibinigay sa akin ng taumbayan tulad ng ibinigay nila sa akin bilang PAO chief,” pahayag ni Attorney Persida.
Samantala, ang pagkanta raw ang pangtanggal niya ng stress kaya kapag may oras ay nagsi-sing along siya at ang paborito niyang kinakanta ay ang Ikaw na alay niya sa asawa’t pamilya at mga anak, at ang You Raise Me Up para naman sa mga inapi, naapi at pilit na ibinabangon ang sarili. (REGGEE BONOAN)