Twenty-four Taiwanese Nationals were nabbed by the agents of the

CEBU CITY – Nabuwag ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI)-Region 7 at pulisya ng Taiwan ang umano’y sindikato ng mga extortionist sa pagkakaaresto sa 24 na Taiwanese sa Buena Hills, Barangay Guadalupe, nitong Lunes ng hapon.

Napaulat na sangkot umano ang mga dayuhan sa pangingikil sa sarili nilang mga kababayan. Upang makaiwas sa mga awtoridad sa Taiwan, inilipat ng mga suspek sa Pilipinas ang kanilang operasyon.

Modus ng grupo na tawagan ang mga retiradong opisyal ng Taiwan para ipaalam na may nakabimbing kaso ang mga ito.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Aalukin ng mga suspek ang kanilang biktima na ibabasura na ang nasabing mga kaso kapalit ng pera.

Bitbit ang search warrant, sinalakay ng mga NBI agent at Taiwanese police ang bahay na nirerentahan ng mga suspek at dinakip ang 24 na Taiwanese.

Natagpuan sa loob ng bahay ang ilang telepono at cell phone, mga dokumento, mga computer unit at iba pang communication equipment.

Agosto ngayong taon nang rentahan ng mga Taiwanese ang nasabing bahay, at masusing tinugaygayan ng NBI ang mga ito isang buwan bago ang raid, makaraan silang ialerto ng Taipei Economic and Cultural Office.

Hiindi ito ang unang beses na naaresto sa Cebu ang ilang Taiwanese na sangkot sa extortion. Noong nakaraang taon, 43 Taiwanese at limang Chinese ang dinakip sa magkakaibang bahay sa Cebu City dahil din sa pangingikil.

(Mars W. Mosqueda, Jr.)