NAGING palaisipan sa amin kung ipapalabas na ba ang The Super Parental Guardians movie nina Vice Ganda at Coco Martin bago mag-Metro Manila Film Festival.
Kaliwa’t kanan kasi ang ipinost ng Star Cinema na official trailer sa social media at agad itong nag-trending bukod pa sa full blast ang pag-share ng mga taga-ABS-CBN.
In fairness, maganda at sobrang nakakatawa ang trailer kaya lalo pa tuloy dumami ang nagtataka kung bakit hindi ito naisama sa MMFF Magic 8.
Tiyak na mag-e-enjoy ang young moviegoers sa The Super Parental Guardians dahil nakatuon ang kuwento sa mga batang sina Awra at Onyok na pag-aagawan nina Vice at Coco na gustong tumayong guardian.
Bilang best friend ng gumaganap na inang si Matet de Leon, kay Vice inihabilin ang dalawang bagets pero ayaw pumayag ni Coco dahil pamangkin din niya sina Awra at Onyok. Kaya ang ending, mag-aagawan sila.
Pero, dahil mahirap at sanggano si Coco, mapipilitan siyang magpaampon na rin kay Vice na super rich kasama ang dalawang pamangkin.
Mapuso ang istorya kaya nakapanghihinayang kung hindi ito mapapanood ng mga bagets, di ba, Bossing DMB?
Palaisipan din sa amin ang post ni Vice sa kanyang Twitter account noong Linggo ng hapon na, “Hindi pwedeng hindi ko kayo pasasayahin sa Kapaskuhan.Taon-taon may regalo akong pampasaya sa mga bata at sa pamilyang Pilipino. Panata yan!” At may dagdag pang, “very soon.”
Tinext namin ang taga-Star Cinema tungkol dito pero hindi kami sinagot.
Sinubukan din naming hingan ng komento si Vice Ganda kahapon pero wala ring sagot.
Hanggang sa nakausap namin ang aming source sa Dos at inamin nga na ipalalabas na raw ang pelikula bago pa man mag-MMFF.
“Yes, ipalalabas na, hindi na kailangang patagalin pa, hinihintay ‘yan ng lahat. Sayang kasi kung next year pa, mawawalan ng saysay ang pelikula na intended for kids na napapanood nila tuwing December. As of now, wala pang target date kung kailan, pinag-uusapan pa sa konseho,” sabi ng amin aming kausap.
Bongga, kaya lang hindi pa bakasyon, paano na ang mga bagets?
Samantala, narinig namin na nalungkot ang maraming staff and crew ng malalaking pelikula na hindi napili dahil mawawalan sila ng kita ngayong Pasko at Bagong Taon.
Hirit naman ng isang kausap naming journalist, “‘Yang mga napiling pelikula, puro indie ‘yan, mga walang pera naman ‘yan kaya tumigil na sila sa sinasabing ini-educate nila ang tao. Ang page-educate sa eskuwelahan ‘yan ginagawa, hindi sa pelikula!
“May sarili silang festival, ‘wag nilang sirain ang diwa ng Metro Manila Film Festival na nakasanayan na ng mga bata!”
Ikaw, Bossing DMB, ano naman ang masasabi mo?
(Panoorin kung ano ang magandang pelikula, indie man ‘yan o mainstream. Sa ganitong paraan lang makakapagpatuloy ang industriya. By the way, may November 30 ang playdate ng Vice-Coco movie. O, ha? Akala mo ikaw lang ang may source, ha? Insert smiley, ü. --DMB) (REGGEE BONOAN)