gapang-copy

Pinataob ng Team Palaban ang Alyssa Valdez-led Team Puso, 25-21, 19-25, 25-15, 25-22, nitong Linggo sa 2016 Shakey’s V-League All-Star Game sa PhilSports Arena.

Nangibabaw ang lakas at team work ng Palaban, sa pangunguna ni University of Santo Tomas skiper Sisi Rondina na kumana ng 13 puntos, para daigin ang liyamadong karibal.

Nag-ambag si Isa Molde, Collegiate Conference 1st Best Outside Spiker, sa nakubrang 10 puntos, siyam na block at 13 ace sa Team Palaban na pinangasiwaan ni Pocari Sweat coach Rommel Abella.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nagkasama-sama sa koponan ang magkakaribal na sina Amy Ahomiro ng Bali Pure, Pocari Sweat pillars Michele Gumabao at libero Melissa Gohing, sa kauna-unahang pagkakataon para sa charity game na ang malilikom na pondo ay ipagkakaloobs sa mga biktima ng mapanirang bagyong ‘Lawin’.

“Masaya sobra kasi kahit through our skills na binigay ni God, nakakatulong kami,” sambit ni Rondina.

Nanguna si Jocemer Tapic ng Philippine Air Force sa Team Puso sa natipang 14 puntos, habang nalimitahan sa 12 puntos si Bureau of Customs superstar Valdez.

“Sobrang saya kasi ang daming tumulong, ang daming tao, saka volleyball players from Ate Wendy (Semana) to the youngest, Sisi, mga taga-UST,” pahayag ni Valdez.

“Parang ang sarap sa pakiramdam na nagkakaisa tayo para sa mga Pilipino na nabiktima ng Typhoon Lawin at gusto natin sila mapasaya sa Pasko,” aniya.

Bukod sa pagsasama-sama nang pinakamahuhusay na collegiate player sa kasalukuyan, nagsagawa rin ng autograph signing at selfie photo ang mga tagahanga kasama ang kanilang mga idolo.

Kabilang din sa Team Palaban sina Ateneo setter Jia Morado, Diana Carlos at Marianne Buitre ng University of the Philippines, Ria Meneses ng UST at Pocari Sweat’s Myla Pablo at Gyzelle Sy.

Naglaro rin sa Puso sina Bali Pure spiker Dzi Gervacio at libero Denden Lazaro, kasama sina Ateneo teammate Valdez , Laoag top hitter Jema Galanza at Wenneth Eulalio, Air Force setter Semana, UST spiker EJ Laure, Pocari Sweat middle blocker Elaine Kasilag, BoC’s Fenela Emnas at Nicole Tiamzon ng UP.

Sa men’s class, nagwagi ang Team Galaw, pinangunahan ni Ateneo’s Mark Espejo, Ish Polvorosa at Rex Intal, kontra Team Gilas, 25-21, 25-23, 18-25, 25-20.