PINAKAMODERNO na marahil ang opinion surveying sa United States dahil matagal na itong bahagi ng pulitika ng nabanggit na bansa. Gayunman, sa huling paghahalal ng pangulo sa Amerika, pumalya ang halos lahat ng survey.
Karamihan ay tinaya ang pagkakapanalo ni Hillary Clinton—inihayag ng isa na mayroon siyang 80 porsiyentong tsansa na masungkit ang Electoral College vote. Ngunit nang bilangin na ang mga boto, nanalo si Donald Trump.
Nagsusulputan naman ngayon ang lahat ng uri ng pag-aaral at pagsusuri upang ipaliwanag ang kabulastugan sa mga survey sa katatapos na halalan.
Ayon sa isang analysis, tumuon ang mga survey sa popular vote para sa buong bansa, gayung dapat na higit na tinutukan ang pagboto sa bawat estado. Gaya ng nangyari, malinaw na napanalunan ni Clinton ang popular vote, ngunit si Trump ang nagwagi sa Electoral College vote — na higit na mahalaga. Dapat na mas pinagtuunan ng atensiyon ng mga survey ang mga opinyon sa mga estado, partikular na ang tinatawag na battleground states.
Ang isa pang posibleng dahilan ng kapalpakan ng election survey ay ang posibilidad na nagbago ng isip ang mga botante sa dakong huli, partikular na makaraang magpalabas ng ulat ang Federal Bureau of Investigation na nakasama sa reputasyon ni Clinton.
Ang isa pang posibilidad ay maraming Amerikano na sumagot sa survey ang hindi nagsabi ng totoo nang kapanayamin ng mga pollster. Dahil sa hindi magandang pananalita at ugali ni Trump habang nangangampanya at maging ang nakilalang personalidad niya, maraming botante ang ayaw na lantarang maiugnay sa kanya, bagamat naniniwala sila sa paninindigan niya sa mga usapin.
Ang mga opinion survey ay naging mahalagang bahagi na rin ng halalan sa Pilipinas. Malaki ang naitutulong ng mga survey sa kapwa mga kandidato at mga botante. Kapag walang eleksiyon, ginagamit ang mga survey upang mabatid ang opinyon ng publiko tungkol sa mga programa at pagganap sa tungkulin ng gobyerno. Nakatutulong ang mga ito upang matiyak na wasto ang mga pagdedesisyon.
Umaasa tayong ang sarili nating mga pollster sa Pilipinas ay matututo ng aral sa kapalpakan na kumulapol sa mga survey organization sa Amerika sa nakalipas na halalan. Ang maling pagtaya ng mga grupong nagsagawa ng survey sa Amerika—ang mali nilang inakala, ang kabiguang ikonsidera ang mga posibilidad ng mga maaaring mangyari, kasama na ang katotohanang sinadya ng mga respondent na lituhin o ilihis ang mga surveyor—ay maaari ring mangyari sa mga survey organization sa Pilipinas, maliban na lang kung magpapairal sila ng mga hakbangin upang maiwasan ito.