Sa Nobyembre 23, pitong taon na ang Maguindanao massacre, pero wala pa ring hustisya para sa 58 nasawing biktima, 32 dito ay mga kagawad ng media.

Hanggang Nobyembre 15, 2016, umaabot na sa 232 testigo, 131 prosecution witness, 58 private complainants at 43 defense witnesses ang nilitis ng Quezon City Regional Trial Court, Branch 221.

Sa unang bugso ng pagdinig, umabot sa 197 ang akusado, 15 dito ay may apelyidong Ampatuan. Nasa 114 naman ang naaresto at isa rito ay pinawalang sala dahil sa kakulangan ng probable cause.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Isa pang akusado ang inalis sa amended information, dalawa ang ginawang state witness at isa ang nakapagpiyansa.

Sa kabila ng mabagal na pag-usad ng kaso, 112 ang binasahan ng sakdal, kasama si Andal Ampatuan Sr., na inabot na ng kamatayan sa loob ng bilangguan.

Pinausad ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ang sunud-sunod na pagdinig, kung saan 12 abogado, 7 prosecutors at 27 defense counsels ang nakibahagi. Umabot na sa 53 volumes ang stenographic notes sa pagdinig.

Ang korte ay nakaipon na rin ng 109 volumes ng record at walong folder ng ebidensya, kaya naman halos hindi makaya ni court staff Roger Cristobal nang tanungin siya kung ilang oras na ang nakukunsumo sa paglilitis.

Labingdalawang set ng “formal offer of evidence” hinggil sa hiling na piyansa ang naresolba na ng korte. Umabot na rin kasi sa 69 ang naghain ng bail petitions.

Mahigit sa 150 testigo at libu-libong pahina ng documentary evidence ang naiprisinta na, at kahit tuloy sa pag-usad ang kaso, inaantabayanan pa rin ang iisang hatol sa mga akusadong nahaharap sa 58 counts ng murder.

Sa kabila ng mga hakbang para pabilisin ang resolusyon sa kaso, sinabi ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu na “justice is still an elusive dream.” Nasawi sa insidente ang asawa at dalawang kapatid na babae ni Mangudadatu sa insidente. (Chito A. Chavez)