kanye-copy-copy

BIGLAANG kinansela ni Kanye West ang natitirang mga show sa kanyang tour nitong Lunes at idinahilang pagod na siya, pagkaraan ng isang linggo hindi pagpapakita, pinaikling konsiyerto at mga hugot tungkol sa pulitika.

Inihayag ng concert promoter na Live Nation na kinansela ang natitirang 21 pang U.S. dates sa Saint Pablo tour ni West, at isasauli sa mga tao ang ibinayad sa tiket.

Hindi nagbigay ng rason ang Live Nation, sa kabila ng mga espekulasyon tungkol sa mental at physical health ni West.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Itinanggi ng source na malapit sa Gold Digger singer na nag-breakdown si West, at sinabi sa mga celebrity outlet tulad ng People at Us Weekly na sadyang napagod lang ang rapper na kilala aniyang workaholic.

“He’s just exhausted. He’s been working around the clock on fashion design, both on his own line and the Adidas line.

He’s a notorious workaholic, so balancing both that work – which is extremely important to him – and the rigors of the tour every night, it really wore him out,” sabi ng source sa People.

Noong Oktubre, ninakawan at tinutukan ng baril ang asawa ni West na si Kim Kardashian sa Paris, na nagdulot para muling suriin ang seguridad ng kanilang pamilya.

Naging laman din ng balita ang influential rapper, na nagpo-promote ng kanyang album na The Life of Pablo noong nakaraang linggo nang i-boo siya sa kanyang konsiyerto sa San Jose, California makaraang ideklara niya ang kanyang suporta sa bagong pangulo ng U.S. na si Donald Trump.

Last minute ring nagkansela si West ng kanyang concert sa Los Angeles nitong Linggo at nag-walk out naman sa entablado noong Sabado sa Sacramento, California.

Pagkatapos nito, naging sunud-sunod ang post ni West ng dose-dosenang litrato ng kanyang fashion items sa kanyang Instagram account.

Tinataya ng Billboard magazine na magdudulot ang kanselasyon ng tour ng $27 million tour refund.

Hindi na bago kay West ang pagkakaroon ng unpredictable at kontrobersyal na pag-uugali.

Noong nakaraang taon, inihayag niya na kinokonsidera niyang tumakbo sa pagkapresidente sa U.S. sa 2020. Noong 2009, ginambala niya ang acceptance speech ni Taylor Swift sa MTV Video Music Awards sa New York at sinabi na dapat ay kay Beyonce ito igawad.

Noong 2006, nag-pose siya bilang Jesus Christ sa cover ng Rolling Stone magazine, at nitong unang bahagi ng taon ay inilabas niya ang music video para sa Famous na nagtatampok ng portrayals ng nude celebrities kabilang si Trump, Swift, at komedyanteng si Bill Cosby na nakahiga at katabi niya. (Reuters)