GUMAGANAP bilang Champ, isang matinee idol na may itinatagong sekreto, sa forthcoming Viva release na Working Beks si Edgar Allan Guzman kasama sina John “Sweet” Lapus, Prince Stefan, Joey Paras at TJ Trinidad, mula sa panulat at direksiyon ni Chris Martinez.
“Masaya,” ani EA sa interview. “Siyempre, marami akong mahuhugutan sa role na ito. Komportable ako sa role kasi ‘yun naman ang trabaho namin. Artista rin ang role ko rito, heartthrob, matinee idol, kaya lang may aaminin sa huli, which in real life, hindi naman ako ganu’n. ‘Yun lang, pero comfortable naman ako.”
Ayon kay Direk Chris, mai-involve ang karakter ni Edgar Allan sa isang sex scandal.
“Pero hindi naman talaga ito sex scandal,” pagtutuwid ng Doble Kara star. “May scandal ako rito na kumalat pero lalaki ang kasama ko. Nu’ng ibinigay sa akin ang script, okay naman ito. Malayo ito sa mga role na ginawa ko katulad ng Pare, Mahal Mo Raw Ako.
“Ang kakaiba rito, artista ako and in the end, may aaminin ako. Sa Pare..., may mga scene na may pitik ako, alam na agad na bakla ako. Dito sa Working Beks, all throughout the movie, lalaki ako.”
Hindi ba siya natatakot na baka ma-typecast siya sa mga gay role?
“Sa akin, hindi ko masasabing nata-typecast ako sa gay role kasi ibang klaseng role naman ito. May kakaiba rin sa role na ito at sa movie na ito para tanggapin ko. Isa sa mga cast ang kasama ko sa sex scandal, ‘yun talaga ang nasa kuwento,” mariing sabi ng alaga ni Noel Ferrer.
“Sa dinami-rami ng ginawa kong gay characters, this what makes this role different. Artista ako, may career to protect,” sambit pa ni Edgar.
Natawa siya nang malakas nang tanungin kung sa tingin ba niya’y mga artistang may inaalagaang career na maaaring ma-inspire sa character niya sa pelikula.
“Mahirap sagutin ‘yan, baka tirahin ako.”
Sa lipunang iniikutan natin, patuloy pa rin ang pakikibaka ng mga LGBT community laban sa pagmamaliit, EA’s take on this, “Sa mga kalalakihang patuloy pa rin sa pagdi-discriminate sa mga gays, masasabi ko, mga pare huwag naman.
Aminin natin na mahalaga rin sila sa buhay natin. In time, makakapag-benefit din sila sa buhay natin, hindi pa lang siguro ngayon. Baka sa iba, nakikita nila ang gays na panira o nakakairita. Hindi, in time, magbe-benefit ka anuman ang katayuan mo sa buhay. At tanggapin na lang nila bilang kapwa lalaki rin, kahit na nagdadamit-babae, tanggapin nila na lalaki pa rin ‘yan. Ang totoong kasarian nila ay lalaki pa rin. Tanggapin ninyo na lang.”
Mapapanood na ang Working Beks simula bukas sa mga sinehan nationwide. (LITO MAÑAGO)