HALOS 80,000 katao ang dumalo sa Global Citizen Festival na pinangunahan ng British rock band na Coldplay noong Sabado bilang bahagi ng anti-poverty campaign sa Mumbai, kabisera ng India.
Nakasama ng Coldplay sa pagtatanghal sina Jay Z, pop singer na si Demi Lovato, Bristish band na The Vamps, at ang Bollywood personalities na kinabibilangan ng superstar na si Shah Rukh Khan.
Ang Global Citizen Festival ay taunang music concert na itinatag noong 2012 bilang bahagi ng mas malawak na kampanya na naghahangad mawakasan ang malubhang kahirapan sa 2030. Si Chris Martin ng Coldplay ang naging creative director ng konsiyerto.
Maaga pa lamang ay napakahaba na ng pila ng mga nagsipunta sa concert, at nagdulot ito ng matinding trapik sa Mumbai.
Tinapos ni Martin ang konsiyerto sa pagkanta ng pambansang awit ng India na Vande Mataram (Mother I salute Thee) sa tulong ng Oscar-winning music director na si A.R. Rahman ng India. (AFP)