ZAMBOANGA CITY – Hinihinalang muling umatake ang Abu Sayyaf Group (ASG) makaraang harangin ang isang bangkang pangisda mula sa Malaysia at tangayin ang dalawang mangingisdang Indonesian na sakay nito, sa karagatan ng Merabong malapit sa Kunak District sa Sabah, Malaysia nitong Sabado ng gabi.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Maj. Filemon Tan, Jr., na limang armadong lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng ASG ang sumampa sa bangka dakong 7:30 ng gabi nitong Sabado, at dinukot ang dalawang sakay nito.
Kinilala ni Tan ang mga biktimang sina Saparuddin Kone, skipper ng bangka; at Sawal Maryam, tripulante.
Isinakay umano ang mga biktima sa isang speedboat na humarurot sa direksiyon ng Merabong at pinaniniwalaang dumiretso sa karagatan ng Sulu.
Kaagad namang inalerto sa insidente ang tropa ng Joint Task Force Tawi-Tawi, sa ilalim ng AFP-WestMinCom, at inatasan ang air at naval assets na nagpapatrulya sa lugar na halughugin ang mga baybayin at beripikahin kung dumaong ang speedboat ng mga suspek, ayon kay Tan.
Patuloy naman ang monitoring ng intelligence units ng WestMinCom sa lugar upang makumpirma ang mga ulat na dinala sa Sulu o Tawi-Tawi ang dalawang Indonesian. (Nonoy E. Lacson)