5 opisyal ng Kenyan Olympic Committee, kulong sa pandarambong at paglustay sa pondo ng atleta.

NAIROBI, Kenya (AP) — Literal na hinila palabas nang kanyang tahanan ang vice president ng Kenyan Olympic committee matapos arestuhin nitong Lunes (Martes sa Manila) bilang bahagi ng ‘crackdown’ ng pamahalaan sa mga sports officials na umano’y sabit sa kasong graft at pagtatago ng mga kagamitan para sa mga atleta.

Nahuli si Ben Ekumbo, National Olympic Committee ng Kenya vice president, na nagtatago sa ilalim ng kanyang kama, matapos puwersahang pasukin ng pulis ang kanyang tahanan.

Nakuha sa loob ng silid ng opisyal ang iba’t ibang kagamitan, apparel at kahon na may lamang bagong Nike running shoes na umano’y dapat ipinamahagi sa mga atleta na isinabak sa nakalipas na Rio Olympics sa Brazil.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang paghuli sa naturang opisyal ay bahagi ng isyu ng graft and corruption na nakatakdang isapubliko ng pamahalaan.

May kabuuang US$800,000 ang umano’y inilaan para sa Kenyan athletes, kabilang ang mga kagamitan na kaloob ng Nike bilang sponsor, ngunit ninakaw lamang umano ng mga sports officials.

Si Ekumbo ay pangulo rin ng Kenyan Swimming Association.

Inaresto siya ng mga miyembro ng Nairobi Directorate of Criminal Investigation police unit.

Hindi umano pinagbuksan ng pinto ni Ekumbo ang mga pulis at nagtago ito sa ilalim ng kanyang kama, ayon sa ulat ng media.

Natagpuan sa kanyang tahanan ang Kenyan Olympic team uniforms, tracksuits, kit bag na nakabalot pa sa plastic packaging, at kahon-kahon ng mga bagong Nike running shoes na may ispesyal na disenyo ng bandila ng Kenya.

Ang suspect ang ikalimang high-ranking sports official ng Kenyan Olympic committee na dinakip bunsod nang malawakang imbestigasyon sa nawawalang pondo at kagamitin para sa mga atleta batay na rin sa kautusan ni Kenyan President Uhuru Kenyatta matapos ang Olympics nitong Agosto.

Nauna nang naaresto ang apat na opisyal nitong Setyembre.

Kinasuhan si Stephen Arap Soi, team leader ng Kenyan Team sa Rio Olympics, nang pagnanakaw ng US$250,000 na nakalaan sana bilang panustos sa gastusin ng mga atleta, gayundin sa tiket, accommodation at allowances.

Hinuli rin ang vice president ng Olympic committee na si Pius Ochieng,gayundin ang secretary general nitong si Francis Kinyili Paul na sabit din sa pagnanakas ng Nike kit. Pawang pinabulaanan ng mga supect ang bintang at kasalukuyang pinalaya matapos magbayad ng bail.

Ibinasura naman ang kaso laban sa committee treasurer na si Fridah Shiroya, nang pumayag itong maging ‘state witness’ laban sa iba pang suspect.

Ayon sa pamahalaan, kailangang maipaliwanag ng mga opisyal ang nawalang US$ 1.2 milyon na kaloob ng Nike mula noong 2013.

Sentro ng kontrobersiya ang Kenyan sport matapos sampahan ng kaso ng IAAF ang mga opisyal na Kenyan Athletics Association bunsod ng Pagdispalko ng US$700,000 sponsorship money mula sa Nike, gayundin ang pagbabayad para mapagtakpan ang isyu ng doping ng mga atleta.