CABANATUAN CITY - Inoobserbahan ngayon sa ospital ang isang 64-anyos na lalaki na binaril ng sarili niyang pamangkin matapos silang magtalo sa Block 6 sa Barangay Camp Tinio sa lungsod na ito, nitong Linggo ng hatinggabi.
Kinilala ng Cabanatuan City Police ang biktimang si Levie Dela Cruz y Franco, may asawa, ng Bgy. Camp Tinio, habang ang suspek ay ang pamangkin ni Dela Cruz na si Ronnel Jay Belley.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Ronel R. Balindo, dakong 12:30 ng umaga nang umuwing lasing si Dela Cruz at kinumpronta ang suspek na nauwi sa pagtatalo hanggang sa kinuha ng suspek ang kanyang air gun at pinaputukan ang tiyuhin, na tinamaan sa dibdib.
Tumakas ang suspek, at natagpuan pa sa bahay nito ang air gun na ginamit sa krimen. (Light A. Nolasco)