HABANG kausap namin sa Facebook messenger ang chairman ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na si Liza Diño, sinamantala namin ang pagkakataong mahingan siya ng reaksiyon tungkol sa Magic 8 ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na pawang indie films ang pumasok at naitsapuwera nga ang mga pelikula nina Vic Sotto, Vice Ganda, Coco Martin at iba pang malalaking pelikulang gawa ng malalaking film outfits.
“To be honest, kinakabahan siyempre... it’s a big risk,” tugon ni Liza. “But this is the vision of the new MMFF so kailangang irespeto dahil alam naman natin na sa ikaaangat ito ng kalidad ng pelikulang Pilipino. The MMFF did their part. Now the challenge is on our new producers.”
Dagdag pang paliwanag niya, “I wish they do proper marketing and publicity since those are the official entries. It takes more than just having a good story to be successful in MMFF. Commercial viability and the right marketing strategy is just as if not more important para maging successful ang pelikula.”
Magaganap ang taunang pista ng pelikulang Tagalog simula December 25 hanggang January 7, 2017. Sa loob ng 14 days, pawang Pinoy movies lang ang mapapanood at walang foreign films na kasabay.
Buo ang paniniwala ni Liza na susuportahan at tatangkilikin pa rin ang mga pelikulang kalahok sa ika-42 edisyon ng MMFF.
Lahad niya, “Ang laki ng chance na kumita ng film since walang foreign films. Hope everyone takes advantage of this opportunity. Big studio films make millions because of their marketing and distribution strategies. Our new players need to play this game to have access to these possible profits.” (LITO MAÑAGO)