SUOT ang makukulay na native costumes, mga palamuti, at tangan ang gong ng iba’t ibang tribo sa rehiyon ng Cordillera, para ipakita ang pagkakabuklud-buklod at pagpapahalaga sa kultura at tradisyon sa ginanap na Indigenous Peoples Reform Act (IPRA) Day at Gong Festival sa temang “Indigenous People’s Empowerment Towards Peace, Unity and Development” kamakailan sa siyudad ng Baguio.
Ang mga elder, estudyante, local government officials at tribal organizations mula sa lalawigan ng Abra, Benguet, Mt. Province, Ifugao, Kalinga, Apayao at Baguio City, sa pangangasiwa ng National Communites for Indigenous Peoples (NCIP), ay nagpakita ng kanilang pagkakaisa sa publiko sa pamamagitan ng tribal dancing sa isinagawang parade at payak na programa sa Baguio Convention Center.
“We are committed for the next generations at napakahalaga ang okasyon na ito para sa aming mga IPs na magtipun-tipon para sa pagkakaisa at mapalakas ang samahan o bonding ng mga tribal communities sa buong rehiyon. Umpisa pa lamang ito at malaki ang aming pag-asa na magtuluy-tuloy para maimulat sa mga kabataan ang kahalagahan ng kultura na minana pa namin sa aming mga ninuno,” pahayag ni Philippine Communications Office (PCO) Assistant Secretary Marie Rafael Banaag, dating mayor ng Natonin, Mt. Province.
Aniya, todo suporta ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa kahalagaahan at karapatan ng indigenous people sa bansa, kaya ipinagdiwang ang kauna-unahang IPRA Day at isinabay na ang ikaapat na selebrasyon ng Gong Festival, sa layuning mapagkaisa at mapalakas ang samahan ng mga ka-Igorotan sa Cordillera.
Ayon pa kay Banaag, ang okasyong ito ay napakahalaga para matutuhan ng mga kabataan ang tamang pagpapahalaga sa ating kultura sa Cordillera, sa kasuotan, gaya ng tapis at bahag, lalung-lalo na sa paggamit ng gong at sayaw, upang maihatid nila ang tamang presentasyon sa mga okasyon.
Sinabi pa na ang okasyong ito ay magiging makasaysayan para sa indigenous people, hindi lamang sa Cordillera, kundi sa lahat ng mga katutubo sa bansa sa mga susunod pang taon na kaakibat din sa turismo na kilalanin ang kahalagahan at karapatan ng bawat tribo. (RIZALDY COMANDA)