IDOLO ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si ex-Pres. Ferdinand Marcos na nagdeklara ng martial law noong 1972.

Gayunman, hindi raw siya “fan” o tagahanga ng martial law, bagamat nitong nagdaang mga araw ay pinalulutang niya ang suspensiyon ng writ of habeas corpus (WHC). Ang suspensiyon ng WHC ay posibleng maging simula ng martial law na ginawa noon ng yumaong diktador.

“Hindi ako tagahanga ng martial law. Ako ay abogado. Takot ang mga tao sa martial law, pero ito ay isang contingency na maaaring gamitin upang tugunan ang laganap na karahasan o lawlessness, lalo na sa Mindanao,” ayon kay Mano Digong.

Ang Mindanao ay lubhang magulo pa rin bunsod ng karahasan at pangingidnap ng Abu Sayyaf Group (ASG) at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Maliwanag na hindi mapaghihilom ng panahon ang galit at hinanakit ng mga tao sa rehimeng Marcos. Mali si President Rody sa paniniwala at desisyon niya sa pagpapalibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), sa akalang mapaghihilom na ang sugat ng karahasan at pagpatay na naganap sa panahon ng diktadurya. Mali rin si Mano Digong sa pagsasabing ang gulo at sigalot na likha ng FM burial ay dahil lang sa away ng mga Aquino at Marcos. Ang talagang may ayaw dito ay mga pamilya ng mga biktima ng martial law.

Dapat tandaan ni Pangulong Duterte na maraming biktima ang martial law ni Apo Ferdie; libu-libo ang namatay, nangawala (disappeared), ikinulong at nagtamo ng mga pinsala hindi lang sa katawan kundi maging sa utak dahil sa torture.

Sino ang makalilimot sa pagkawala ng press freedom noon, pagsupil sa demokrasya, pagpapasara sa media, pagkandado sa Kongreso, ginawang tuta ang Supreme Court, inubos ang kaban ng bayan, at naging talamak ang pagdaralita?

Marami ang nagtatanong kung bakit hindi na lang sa Batac, Ilocos Norte ihimlay ang dating pangulo sa halip na sa Libingan. Doon ay dinadakila siya, itinuturing... na bayani, pinakamagaling na pangulo ng bansa. Siya ay “Anak ti Batac”. Ayon sa kanila, sakaling kilalanin siya at pawalang-sala ng kasaysayan balang araw, hukayin ang kanyang labi at ilibing sa LNMB tulad ng ginawa kay ex-Pres. Elpidio.

Sa wakas, nailibing na rin si Marcos noong Nobyembre 18. Mabilis at nabigla ang mga mamamayang Pilipino. Abangan na lang natin ang mga mangyayari. (Bert de Guzman)