SA kabila ng matinding pagtutol ng mga biktima ng batas militar, mga human rights advocate at iba pang sektor ng lipunan, naihatid na rin ang diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang himlayan sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) nitong Nobyembre 18.

May 27 taon nang nakalagak sa refrigerated crypt sa musoleo ng pamilya Marcos sa Batac, Ilocos Norte ang bangkay ng dating Pangulo. Binigyan ng 21-gun salute ang diktador, tulad ng ginagawa sa mga sundalong inililibing sa LNMB sa Taguig City. Dalawang helicopter ng AFP ang ginamit sa paghahatid sa labi ng dating Pangulong Maroos at sa pamilya nito mula sa Laoag patungo sa Villamor Air Base sa Pasay City. Inilipat sila sa isang itim na limousine patungo sa LNMB.

Ngunit biglaan at lihim ang libing kay dating Pangulong Marcos. Ikinamangha at ikinagulat ito ng marami nating kababayan. Ang iba naman ay nagalit at nainis sa nasabing pangyayari. Walang nagawa ang mga anti-Marcos at militanteng grupo; hindi sila nakalapit sa tarangkahan ng LNMB, sapagkat dalawang libong pulis at sundalo ang nakabantay.

Dahil sa ginawang biglaan at lihim na libing sa dating Pangulong Ferdinand Marcos nagbunga ito ng iba’t ibang reaksiyon at pagkilos ng ating mga kababayan. Nag-walk out ang mga estudyante ng Ateneo de Manila University at Miriam College sa Quezon City. Nagtipun-tipon sila sa tabi ng Katipunan Road, nagkilos-protesta at binatikos ang lihim na libing sa diktador. May hawak ding placard ang ibang estudyante na nagdudumilat na nakasulat ang “Marcos is not a hero!”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nagkilos-protesta rin ang mga estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang iba naman nating kababayan ay nagtipun-tipon sa EDSA People Power Monument at sama-samang kinondena at binatikos ang biglaan at lihim na libing sa diktador na pinatalsik ng EDSA People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986.

Sumiklab din ang galit ng mga militanteng grupo at maging ng mga senador at kongresista sa nakagugulat na biglaan at isinekretong libing. Sinabi ni Vice President Leni Robredo na ang paglilibing sa diktador ay parang pagnanakaw sa gabi. Hindi bayani si Marcos, aniya. Kung bayani ito, aniya pa, hindi itatago ng pamilya ang libing tulad ng isang nakahihiyang gawain ng isang kriminal.

Sa pahayag naman ni Senador Kiko Pangilinan, sinabi niyang ang isang diktador at magnanakaw ay hindi dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani. Isang malaking insulto sa mga biktima ng martial law, aniya. Idinagdag pa ni Senador Pangilinan na kahit wala pang sagot ang Korte Suprema sa motion for consideration ng mga petitioner kontra sa paglilibing sa dating Pangulo ay hindi na nakapaghintay at inilibing na ang diktador.

Sabi naman ni Senador Franklin Drilon: “Like what Marcos did for 21 years, he caught us off guard like a thief in the night.”

Paliwanag naman ng spokesperson ng AFP na si Brig. Gen. Restituto Padilla, sinunod lamang nila ang kahilingan ng pamilya Marcos na maging lihim at pribado ang paglilibing sa dating Pangulo. Ang nagastos ng AFP sa paglilibing ay babayaran ng pamilya Marcos.

Sabi naman ng tambolero ng... Malacañang, hindi alam ni Pangulong Duterte na ililibing na ang dating Pangulo nitong Nobyembre 18.

Matapos ang libing, nagpasalamat si Gov. Imee Marcos kay Pangulong Duterte at sa Korte Suprema sapagkat natupad ang paglilibing sa kanyang ama sa LNMB, 10 araw makaraan itong paboran ng Korte Suprema sa botong 9- 5 at isa ang nag-abstain.

Sa panahon ng martial law at diktaduryang Marcos, nasa 70,000 lalaki at babae ang dinakip, pinahirapan at ikinulong.

Mayroong 34,000 ang pinahirapan at umaabot naman sa 3, 240 ang pinatay. Idagdag pa ang mga dinukot at ang mga desaparecidos o silang naglaho at nalibing nang walang kabaong. (Clemen Bautista)