“HIDDEN wealth na, hidden burial pa.” Ito ang sinabi ni VP Leni Robredo sa paglilibing sa labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). Ang hidden wealth na tinuran ni Robredo ay ang bilyun-bilyong halaga ng umano’y ninakaw ng mga Marcos nang puwersahan nitong pamunuan ang bansa bilang diktador. Ang malaking bahagi nito ay binabawi pa hanggang ngayon ng gobyerno.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit matinding tinututulan ang pagpapalibing kay Pangulong Marcos sa LNMB. Dahil nga sa pagtutol na ito at sa anumang aksiyon ng mga tumututol, palihim na kinuha ang kanyang labi sa Ilocos Norte at inihimlay ng kanyang pamilya sa LNMB.

Ikinagulat at ikinabigla ito ng lahat, lalo na iyong hindi sumasang-ayon na mapasama si Pangulong Marcos sa mga nauna nang inilibing doon. Pero, ang maliwanag sa mga nangyari ay pinaghandaan ito ng kanyang pamilya at malapit na kamag-anak. Dahil palihim nga nila itong ginawa, may mga nagtanong kung alam ito ni Pangulong Digong.

Alam niya ito, ayon kay PNP Chief Ronald dela Rosa na kasama sa mga nakipaglibing. Pero, sa kanyang maikling mensahe sa Lima, Peru, kung saan isinama siya ni Pangulong Digong dahil dumalo ito sa APEC Meeting, sinabi ng spokesman ng Pangulo na si Ernesto Abella na hindi nito alam ang paglilibing.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Si PNP Chief ang kapani-paniwala. Kasi kasama sa sekretong libing ni Marcos ang mga sundalo at pulis. Bagamat sinabi ni Gov. Imee Marcos na ginawa nilang simple at payak ang libing ng kanilang ama, hindi naman inalis ang pormal na seremonyang ginaganap sa tuwing ililibing ang isang pangulo ng bansa. Ginawaran si Pangulong Marcos ng 21-gun salute.

Kaya, alam ni Pangulong Digong ang tahimik at sekretong libing ni dating Pangulong Marcos. Katunayan nga, kasama pa siya sa pagpaplano nito. Darating ba ang napakalaking puwersa ng pulis at lalahok ba sa pormal na seremonya ang militar sa paglilibing sa labi ng dating Pangulo, gaya ng pagbibigay ng 21-gun salute, kung walang basbas si Pangulong Digong? Eh, siya ang Commander-in-Chief ng mga sundalo at pulis na puwede lang mag-utos ng mga ganitong klaseng seremonya para... bigyan ng full military honor ang isang inililibing. Kaya masasabi pang kasama siya sa pagpaplano, o kaya alam niya ang libing dahil itinaon ito na wala siya sa bansa.

Magaan para kay Abella ang papel niyang itatwa na alam ng Pangulo ang libing dahil nasa Peru ang huli. Isa pa, kapag wala rito ang Presidente ay hindi nito masasaksihan ang matinding batikos na inaani ng ginawa nito.

Sa unang pagkakataon mula nang umupo si Pangulong Digong, ngayon siya lumasap ng grabeng batikos. Tinawag siyang tuta ni Marcos. (Ric Valmonte)