Hindi pa man nagsisimula ang krusyal na Final Four ay nakamit ni De La Salle center Benoit Mbala mula sa kanyang naging dominasyon sa kabuuan ng eliminasyon ang karangalan bilang UAAP Season 79 MVP.

Naging runaway winner ng prestihiyosong individual award ang Cameroonian na si Mbala at naging unang import na nakamit ang nasabing karangalan matapos kay Anthony Williams ng Far Eastern University noong 1981.

Base sa inilabas na statistics ay nakatipon ang 6-foot-7 na si Mbala ng kabuuang 92.4286 statistical points matapos ang double round eliminations mula sa itinalang game-averages na 20.6 puntos, 16.0 rebound, 2.4 block, 1.4 steals at 1.2 assists.

Naging patunay din sa dominasyon ng dating NBA Basketball Without Borders MVP ang kanyang itinalang 14 na sunod na double-double performances sa eliminasyon upang pangunahan ang Green Archers sa pagtatapos sa unahan na may 13-1 panalo-talong marka.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nasa ikalawa ngunit malayo sa puntos ang isa pang kapwa niya Cameroonian na si Papi Sarr ng Adamson na tumapos na may 69.8571 SPs mula sa naitala nitong averages na 14.4 puntos, 14.9 board, 1.1 assist at 1.0 steal kada laro.

Batay sa panuntunan ng liga, isang foreign student-athlete lamang ang maaring makasama sa Mythical Team kung kaya’t hindi mapapabilang sa karangalan si Sarr.

Kasama ni Mbala sa Mythical Team ang teammate na si Jeron Teng, na iuuwi ang ikaapat nito matapos pumangatlo sa MVP race sa natipon niyang 57.3333 SPs mula sa averages na 16.9 puntos, 3.3 rebounds at 2.1 assists.

Sumunod si University of the Philippines wingman Paul Desiderio (55.1429 SPs) at defending champion Far Eastern U’s skipper Raymar Jose (53.6429). Kasama nila si dating UAAP Juniors MVP Thirdy Ravena (49.1429 SPs)ng Ateneo na nagtapos na pampito kasunod ni National University Cameroon import Alfred Aroga na pumang-anim sa natipon nitong 49.50 SPs.

Samantala, nanguna sa batch ng mga rookies si Adamson freshman Jerrick Ahanmisi. Ang nakababatang kapatid ni Rain or Shine guard Maverick Ahanmisi ay nagtapos na pang-11 sa MVP race at siyang nanguna sa mga kapwa niya baguhan sa naitala niyang 44.50 SPs mula sa kanyang averages na 13.4 puntos, 3.1 rebounds at 1.9 assists. (Marivic Awitan)