MARRAKECH, Morocco (AP) — Tinapos kahapon ang kauna-unahang United Nations (UN) climate conference, hakbang na kasunod ng Paris Agreement, sa pamamagitan ng pag-apela kay US president-elect Donald Trump, na makiisa sa pagharap sa global warming, kasabay ng imbitasyon para personal na saksihan ang epekto nito sa Pacific islands.
Ang paghimok kay Trump ay isinagawa dahil sa pangambang kumalas ang US sa kasunduan, ngunit sa kabila nito ay maninindigan umano ang mga bansang nangako na ng suporta sa Paris Agreement, na ipagpapatuloy nila ang pagpapatupad nito.
Ayon kay Moroccan Foreign Minister Salaheddine Mezouar, host ng dalawang linggong negosasyon sa Marrakech, ang tanging mensahe lang sa bagong lider ng Amerika ay, “we count on your pragmatism and your spirit of commitment.’”
Sa kampanya ni Trump sa US, sinabi niya na kakanselahin niya ang Paris Agreement at aalisin niya ang American tax dollars sa U.N. global warming programs.
Mahigit na 190 bansa, kabilang ang US, ang pumabor sa Paris Agreement. Nakapaloob sa kasunduan ang pagpapababa sa greenhouse emissions na sinasabing dahilan ng pagtaas ng temperatura at sea levels, nagpapalala sa tagtuyot at lumilikha ng heat waves.