Ekta-ektaryang taniman ng sibuyas sa Nueva Ecija ang sinalanta ng mga army worm kaya naman humihingi ngayon ng saklolo ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa Department of Agriculture (DA) upang ayudahan ang mga magsasakang apektado ng pamemeste sa mga sibuyasan.
Ayon kay Serafin Santos, hepe ng OPA, nagsagawa na sila ng preventive measure para hindi kapusin ang supply ng sibuyas sa bansa sa pansamantalang pagbubukas ng “stop gap measure” sa importasyon ng sibuyas sa ibang bansa.
Nabatid na Setyembre 2016 pa namemeste ang mga army worm sa mga sibuyasan, ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI) ng DA, at kasalukuyang nagtatanim ng sibuyas ang mga magsasaka upang maiwasang kapusin ang sibuyas sa merkado.
Ikinaila naman ni Santos ang napaulat na sigalot na pagitan ng mga onion trader sa Nueva Ecija kaugnay ng umano’y hoarding para kontrolin ang supply at demand ng sibuyas sa merkado.
“Hindi po totoong may hoarding. Talagang malaki ang epekto ng pesteng army worm sa ating mga sibuyasan. Now, as a preventive measure, kailangan nating masiguro na may supply pa rin ng sibuyas,” paglilinaw ni Santos.
Hinala ng OPA, hindi nagustuhan ng onion traders ang importasyon ng pamahalaang panglalawigan sa layuning mapanatili ang supply ng sibuyas sa merkado upang hindi magtaas ang presyo nito.
Iginiit naman ni Gov. Cherry Umali sa administrasyong Duterte na atasan ang DA para matiyak ang seguridad ng mga magsisibuyas.
Kasabay nito, tiniyak ng pamahalaang panglalawigan na hindi kakapusin ang supply ng sibuyas sa Nueva Ecija, na kilalang “onion capital” ng bansa. (Jun Fabon)