Mga laro ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
4 pm Opening Ceremonies
6:15 pm San Miguel Beer vs.Star
Sisimulan ng defending champion San Miguel Beer ang kampanya sa target na ikatlong sunod nitong All-Filipino crown sa pagsagupa sa sister squad Star Hotshot ngayong gabi sa pagbubukas ng 42nd season ng Philippine Basketball Association (PBA) sa Smart Araneta Coliseum.
Muling pamumunuan ni three -time Most Valuable Player na si June Mar Fajardo ang Beermen na isa sa mga nangungunang contenders at paborito ngayong Philippine Cup base sa ibinigay na prediksiyon ng mga miyembro ng PBA Board of Governors.
“For as long as June Mar is playing, San Miguel is up there,” sabi ni Meralco alternate governor Ryan Gregorio sa ginanap na press conference ng liga noong Lunes sa Makati Shangri-La Hotel.
“Ang team ay sanay sa mga ganyang pressure,” kumpiyansang pahayag ni Beermen coach Leo Austria.”Hindi na nila iniisip ‘yun.”
Naniniwala si Austria na gutom ang kanyang koponan matapos ang mga kabiguan noong nakaraang Commissioner’s Cup at sa panghuli na Governors Cup kung saan hindi nila nagawang maipagtanggol ang napanalunang korona noong 40th Season.
“What happened in the last two conferences, kahit nakaabot kami ng semifinals parang nawala ‘yung lifestyle na hinahanap nila na lagi kang nasa finals or nagcha-champion,” sabi ng Beermen mentor. “So I think hungry pa rin ito, especially in the All-Filipino.”
Nadagdag sa San Miguel sina Gilas cadet Arnold Van Opstal at rookie Rashawn McCarthy na kinuha nila sa nakaraang Annual Rookie Draft.
Inaasahang makakatulong ang dalawang baguhan sa kanilang mga old reliable na sina Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot,Marcio Lassiter at Chris Ross, bukod pa sa mga manlalarong nakuha nila sa trade na sina dating UAAP MVP RR Garcia at Keith Agovida .
Para sa kampo ng Star Hotshots ipaparada nito ang bagong bihis na koponan kasunod ng naganap na blockbuster trade sa off-season kung saan nawala sa kanila ang dating franchise player at league 2-time MVP na si James Yap kapalit ni last season Commissioner’s Cup Finals MVP na si Paul Lee.
Ang tinaguriang angas ng Tondo ang isa sa mga inaasahang mangunguna ngayon sa loaded na backcourt ng Hotshots kung saan kabilang ang mga beteranong sina Peter June Simon, Mark Barroca at Justin Melton bukod pa sa dating ace amateur at collegiate guard galing ng NCAA na si Jiovani Jalalon.
Matutunghayan kung paanong sisinupin ng kanilang bagong coach na si Chito Victolero ang kanyang mga manlalaro at isasalang ang mga kumbinasyong inaasahang magpapabago sa kapalaran ng Hotshots na halos tatlong taon na ring uhaw sa titulo.
Sa ganap na 6:15 ng gabi, magsisimula ang salpukan ng Beermen at ng Hotshots pagkatapos ng tradisyunal na opening ceremonies.
Nangunguna si reigning Bb. Pilipinas Universe Maxine Medina sa mga naggagandahang muse na tiyak na magbibigay ng karagdagang kulay sa idaraos na opening rites simula 4:00 ng hapon.
Si Medina ang magiging muse ng Meralco Bolts, ang runnerup sa Barangay Ginebra Kings sa katatapos na Governors’ Cup.
Ang iba pang beauty queens na matutunghayan sa parade sina Sophia Rankin (Miss Global England 2015). para sa Mahindra, Justine Mae San Jose (Mutya ng Pilipinas Miss Tourism Int’l). para sa Rain or Shine, Kylie Versoza (Bb. Pilipinas Int’l-Miss Int’l 2016). para sa Star si Angelica Alita (Bb. Pilipinas 1st Runner up) para sa Talk ‘N Text.
Muse ng Alaska si Ciarra Bachmann habang ang dating FHM cover girls na sina Kim Domingo sa Ginebra at Valeen Montenegro sa Globalport. Paparada sina Diana Meneses at Janelle Olafson (Blackwater), Margo Midwinter (NLEX), mga baguhang aktres at commercial models na sina Elisse Joson at Sofia Andres (Phoenix) at si Yassi Pressman (San Miguel). (Marivic Awitan)