LUMIKHA ng ingay ang pagrampa ni Paolo Ballesteros bilang Angelina Jolie sa red carpet ng 29th Tokyo International Film Festival (TIFF) na isa sa mga itinuturing na A-list festivals sa mundo, ilang linggo na ang nakararaan.
Kasama ang direktor ng pelikulang Die Beautiful na si Jun Robles Lana, pinag-usapan at tinanggap si Paolo ng mga taga-Japan at iba pang lahing nakahalubilo ng aktor sa Tokyo filmfest.
Bukod sa nilikhang ingay sa opening day ng TIFF, naiuwi pa ng Eat Bulaga host ang coveted Best Actor para sa kanyang role bilang transgender woman sa Die Beautiful. Ito ang kauna-unahang acting award ni Paolo simula nang pasukin niya ang showbiz.
Pasok sa Magic 8 ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang Die Beautiful na ginawaran din ng Audience Choice Award sa Tokyo international filmfest.
Makakatunggali ng Die Beautiful sa MMFF ang Kabisera, Ang Babae Sa Septic Tank 2: Forever Is Not Enough, Saving Sally, Oro, Seklusyon, Sunday Beauty Queen, at Vince and Kath and James.
At any rate, magpapakabog ba naman si Paolo sa Parade of the Stars ng filmfest at maging sa red carpet ng awards night mismo? Kilala ang aktor (hindi lang dito sa bansa kundi sa buong mundo) bilang magaling na make-up transformation artist kaya nakatitiyak tayong manggugulat si Paolo sa MMFF 2016. (LITO MAÑAGO)