Sa loob ng dalawang araw ay walang humpay ang martsa ng mga kontra sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), kung saan mayorya sa kanila ay kabataan na nangakong sila ang magpapatuloy ng laban.

“Magsisikap kami at darating ang panahon na kami ang mamumuno at kami ang magbibigay hustisya sa mga taong hindi niyo nabigyan ng hustisya,” ayon kay James Ali ng San Beda Law School, kung saan nagtapos ng abogasya si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Na-fail man tayo ng ating mga nakakatanda, sisiguraduhin nating hindi natin ipe-fail ang mga susunod sa atin,” dagdag pa niya sa report ng ABS-CBN News.

Ang paglabas ng kabataan ay bunsod na rin ng pagpupuslit sa mga labi ni Marcos at sekretong inilibing sa LNMB.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Basbas ng matatanda

Naglabasan din ang mga uugud-ugod na Martial Law survivors, kung saan matapos ikuwento ang kanilang kahindik-hindik na karanasan sa ilalim ng panunungkulan ni Marcos, ipinasa nila sa kabataan ang pagpapatuloy ng laban.

“Matanda na kami para mag-rally pa ng ganito pero hindi natin hahayaang mabura ang kasaysayan ayon kay Fe Mangahas, 78-anyos.

“Ituloy ninyo, mga kabataan, ayon naman sa isa pang martial law victim na si Aida Santos Maranan.

Isa pang biktima na si Sonny Melencio ang nagsabing ikinagagalak niya ang paglabas ng kabataan. Ang kanyang habilin, huwag hayaan na isa pang martial law ang maganap sa bansa.

Tuluy-tuloy na protesta

Hindi mananahimik ang taumbayan dahil kay Marcos. Ito naman ang sinabi ni Bishop Broderick Pabillo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), kung saan asahan umano ang walang humpay na kilos protesta.

“Filipinos are creative when it comes to showing their opposition. There will be (protest) actions,” ani Pabillo.

“If we are godly, even though he was a dictator, since he is already dead, we should pray for his soul. We should respect his remains,” reaksyon naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles sa Church-run Radio Veritas.

Maximum tolerance

Pumorma naman ang hanay ng pulisya upang antabayanan ang mas malaki pang mga protesta sa mga susunod na araw.

Ayon kay Director General Oscar Albayalde, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), hahayaan naman nila ang kilos protesta, ngunit kailangang payapa at may kaayusan ito.

“We have not monitored any anti-Marcos rally. However, in any protests, we will exercise maximum tolerance,” pagsiguro ni Albayalde.

Samantala sa loob ng LNMB, ang militar na naman ang bahala sa security na ipatutupad dito.

Kababayan ni Imelda, nagprotesta

Sa Tacloban, Leyte, nagprotesta rin ang mga kababayan ni dating First Lady Imelda Marcos.

Karamihan sa mga raliyista ay mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan at unibersidad, at kinondena nila ang paglilibing kay Marcos sa LNMB.

Iginiit ng mga ito na hindi bayani si Marcos.

Insulto—Leni

“We feel that we were cheated all over again,” reaksyon naman ni Vice President Leni Robredo.

Sinabi ni Robredo na malaking insulto ang ginawa ng pamilya Marcos.

“We knew that it’s going to happen but we didn’t imagine that it would be conducted hurriedly and secretly,” pahayag niya.

Alvarez, nagtanggol

Ipinagtanggol naman ni Speaker Pantaleon Alvarez ang gobyerno sa pangyayari.

“We are a government of laws and not of men. This cardinal principle of a democratic system is the basis of the Supreme Court ruling allowing the burial of former President Ferdinand Marcos at the Libingan ng mga Bayani. We should respect its decision as the final arbiter of all constitutional and legal issues,” ayon kay Alvarez.

Walang pumigil

Nilinaw ng Korte Suprema na wala namang umapela sa kanila na pigilan ang paghihimlay kay Marcos sa LNMB.

Isa pa, ipinaliwanag ni Supreme Court spokesperson Theodore Te na naalis na rin ang status quo ante order nang maglabas sila ng desisyon noong Nobyembre 8 na nagpapahintulot sa Marcos burial.

Ayon kay Te, “in between sessions”, ang Supreme Court at tanging si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang maaaring maglabas ng temporary restraining order para mapigilan sana ang paglilibing kay Marcos.

Pero magagawa lang aniya ito ni Sereno kung mayroong request at written recommendation mula sa nagsulat ng desisyon na si Associate Justice Diosdado Peralta.

Ayon pa kay Te, wala pa namang inihahaing motion for reconsideration ang mga petitioner na kontra sa Marcos burial, dahil hindi pa umano natatanggap ng mga ito ang kopya ng desisyon.

Nauunawaan ko kayo---Duterte

Bagamat pinaninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalibing kay Marcos sa LNMB, nauunawan naman umano niya ang sentimyento ng mga tumututol dito.

Paliwanag ng Pangulo, kailangan ipatupad ang batas na maaaring ilibing si Marcos sa LNMB.

Iginiit ng Pangulo na walang ibang pinagbabatayan ang kanyang desisyon kundi ang batas o ang ligal na aspeto.

LNMB hatiin

Kung si Senate President Koko Pimentel ang masusunod, nais niyang biyakin ang LNMB at magtatag sa loob nito ng Libingan ng mga Makasaysayang Pilipino (LNMP).

Sa kanyang Senate Bill 1246, o “An Act Segregating Parcels of Land within the Libingan ng mga Bayani Allocated for the Remains of Filipino Historical Figures to be Known as the Libingan ng mga Makasaysayang Pilipino”, mahihiwalay ang puntod ng mga sundalong bayani.

Maaaring ilibing sa LNMP ang mga pangulo ng Pilipinas, statesmen, dignitaries, national artists at scientists.

Panawagan ni Bongbong

“Let my father’s burial be the first day amongst many days of our continuing to work for the unity and the progress of our country,” tweet naman ni dating Senator Bongbong Marcos. (Leslie Ann G. Aquino, Aaron Recuenco, Nestor L. Abrematea, Raymund F. Antonio, Bert De Guzman Leonel M. Abasola at Beth Camia)