NAGA CITY – Hindi makakamura ng biyahe ang mga pasahero ng Bicol Express ng Philippine National Railways (PNR) ngayong Pasko matapos na kanselahin ng pamunuan ng PNR ang pagbabalik-operasyon sana nito sa susunod na buwan.

Sinabi ni PNR OIC General Manager Josephine Geronimo na batay sa kanilang assessment, walang posibilidad na magkaroon ng biyaheng Bicol-Maynila at pabalik dahil napakarami pang dapat isaayos para matiyak ang ligtas na pagbabalik-operasyon ng Bicol Express.

Kabilang dito ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng ilang tulay at riles, ayon kay Geronimo.

Sa pag-iinspeksiyon kamakailan ng engineering department ng PNR kasama si Geronimo ay natuklasan nilang napakaraming bahay ang nakatirik malapit sa mga riles, na labis na nakaaapekto sa operasyon ng PNR.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nadiskubre rin nila na ang istasyon ng PNR sa Candelaria, Quezon ay ginagamit na ngayon ng mga tiangge at pinagdarausan ng mga wedding reception.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Geronimo na magsusumite sila ng rekomendasyon kay Department of Transportation Assistant Secretary Cesar Chavez kaugnay ng agarang pagkukumpuni at pagsasaayos sa PNR upang ganap nang magbalik-operasyon ang Bicol Express. (Ruel Saldico)