IPINAGDIRIWANG ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ang ika-27 anibersaryo nito.
Itinatag ang ARMM noong Agosto 1, 1989, sa bisa ng Republic Act 6734, alinsunod sa mandato ng Konstitusyon para sa pagtatatag ng mga rehiyong may awtonomiya sa Muslim Mindanao at sa Cordilleras. Ang ARMM — na binubuo ng mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, at Tawi-Tawi — ay pinasinayaan makalipas ang isang taon, noong Nobyembre 6, 1990, sa pansamantalang kabisera ng rehiyon, ang Cotabato City.
Inilunsad ang isang-buwang selebrasyon sa pagdiriwang ng Sheikh Karimul Makhdum Day sa Bongao, Tawi-Tawi, nitong Nobyembre 7. Sinabi ni Governor Mujiv Hataman na iba’t ibang aktibidad ang itinakda, na pawang nagpapakita sa mayamang kultura, tradisyon at pamumuhay sa rehiyon. Kabilang sa mga itinampok ang isang food festival na inihain ang mga putahe ng iba’t ibang tribung Moro sa rehiyon, isang sports festival, isang pagtatanghal na kultural, ang People’s Day, ang Week of Peace, ang Local Government Units Summit, at ang Gabi ng Parangal. Magtatapos ito sa selebrasyon ng Shariff Kabunsuan Festival, na tatampukan ng fluvial procession sa Rio Grande de Mindanao, sa Cotabato City sa Disyembre 19.
Isa itong tunay na enggrandeng selebrasyon na nagbibigay-diin sa 27 taon ng tagumpay at progreso, ayon kay Governor Hataman, at inaasam ng mamamayan nito, ng mga Moro sa rehiyon, ang mas marami pang taon ng pagmamalaki at tagumpay.
Ilang taon pa lamang ang nakalilipas nang naharap ang ARMM sa isang mapanglaw na kinabukasan matapos silang ilarawan bilang “failed experiment” ni noon ay Pangulong Aquino na nais magtatag ng bagong Bangsamoro Autonomous Region. Ang serye ng mga pagpupulong dito at sa ibayong dagat ay nagbunsod sa pagkakasundo ng mga pinuno ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa paglikha ng Bangsamoro. Gayunman, ang panukalang bagong rehiyong may awtonomiya ay napagitna sa kontrobersiya, kabilang na ang pagkasawi sa 44 na police commando sa Mamasapano sa kamay ng mga rebelde, kabilang ang ilang kasapi ng MILF. Nagtapos noong Hunyo 30 ang 16th Congress nang hindi naaaprubahan ang Bangsamoro.
Pinaplano ngayon ni Pangulong Duterte ang isang federal na sistema ng gobyerno para sa Pilipinas, kung saan ang Bangsamoro ay magiging isang estadong federal na bubuuin ng Lanao del Sur, Maguindanao, Marawi City, at Cotabato City. Maaaring ang ARMM ay maging isang hiwalay na estadong federal na bubuuin naman ng Sulu, Tawi-Tawi at Basilan.
Dahil dito, magkakaroon ang mga Muslim sa Mindanao at silang nasa kapuluan ng Sulu ng kani-kanilang rehiyong may awtonomiya sa federal na Pilipinas.
Sa pagdiriwang ng ARMM ng anibersaryo nito ngayong buwan, tama lamang na buong pagmamalaki nitong gunitain ang nakalipas na 27 taon ng tagumpay at kaunlaran. Maaari rin nitong tanawin nang buong kumpiyansa at may nag-uumapaw na pag-asa ang kinabukasan.