bruce-copy

KABILANG sa napiling 21 katao na pararangalan ng Presidential Medal of Freedom ang music legend na si Bruce Springsteen, basketball star na si Michael Jordan, at aktor na si Robert De Niro, ayon sa White House nitong Miyerkules.

Ang pinakamataas na civilian honor ng bansa ay, “a tribute to the idea that all of us, no matter where we come from, have the opportunity to change this country for the better,” saad ni US President Barack Obama sa isang pahayag.

“From scientists, philanthropists and public servants to activists, athletes, and artists, these 21 individuals have helped push America forward, inspiring millions of people around the world along the way,” ani Obama.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang iba pang mga entertainer at celebrity sa mga pararangalan ay ang comedian at talk-show host na si Ellen DeGeneres, mga aktor na sina Tom Hanks at Robert Redford, stage performer na si Cicely Tyson at cultural icon na si Diana Ross, na kilala sa kanyang mahigit kalahating siglo na career sa musika, pelikula, telebisyon, teatro, at fashion.

Tatangap din si Lorne Michaels, screenwriter at producer na naging pamoso sa pagbuo ng comedy show na Saturday Night Live.

Tatanggap ng top award ang broadcaster na si Vin Scully, na naging boses ng Brooklyn at Los Angeles Dodgers baseball teams sa loob ng 67 taon, kasama ang basketball great na si Kareem Abdul-Jabbar, ang all-time leading scorer ng National Basketball Association at masidhing social justice advocate

Kikilalanin din ang mga philanthropist na sina Bill at Melinda Gates para sa kanilang trabaho sa Bill and Melinda Gates Foundation, na nakatuon sa pagpuksa ng kahirapan at pagpapabuti ng global health.

Ang iba pa sa mga pararangalan ay ang leading architect na si Frank Gehry at artist na si Maya Lin, na nagdisenyo ng Vietnam Veterans Memorial sa Washington.

Paparangalan din ang abugado at dating Federal Communications Committee chief na si Newt Minow, kasama si Miami Dade College President Eduardo Padron.

Kikilalanin din ni Obama ang physicist na si Richard Garwin at ang mathematician na si Margaret Hamilton, na nanguna sa grupong bumuo ng on-board flight software para Apollo missions ng NASA.

Gaganapin ang award ceremony sa White House sa Nobyembre 22. (AFP)