DAGUPAN CITY, Pangasinan – Posibleng umabot sa daan-daan ang sanggol na nailaglag ng nurse na 2009 pa nagsasagawa ng aborsiyon at naaresto nitong Miyerkules sa entrapment operation ng Laoag City Police sa Ilocos Norte.
Ayon kay Supt. Edwin Balles, hepe ng Laoag City Police, naaresto si Mary Jean Lagmay, 48, registered nurse at resident nurse sa Vigare Clinic ni Dr. Teresita Vigare sa aktong magsasagawa ng aborsiyon sa police asset sa loob ng klinika sa lungsod, dakong 6:00 ng gabi nitong Miyerkules.
“Nasa P12,000 hanggang P15,000 ang sinisingil sa mga gustong magpalaglag, na karamihan ay mga teenager na nabubuntis,” ayon sa source.
“Karamihan sa mga teenager ay mga nag-aaral din dito sa probinsiya, at iyong mga galing din sa ibang probinsiya na mga prominenteng tao,” dagdag pa ng source.
Nakumpiska mula sa nurse ang iba’t ibang gamot na gamit sa paglalaglag ng sanggol, medical items, dalawang P1,000 bill at P10,000 boodle money na ginamit sa entrapment.
Kakasuhan din ang doktor na may-ari ng klinika, ayon kay Balles. (Liezle Basa Iñigo)