GAGAWING virtual Miss Universe village ang isang mall sa Pasay City na paggaganapan ng iba’t ibang aktibidad na magtatapos sa Coronation Night.
Ayon kay Edgar Tejerero, presidente ng SM Lifestyle Entertainment Inc. (SMLEI), isa sa mga katuwang ng Department of Tourism upang matuloy ang prestihiyosong event sa bansa, na sila’y “glad to bring one of the world’s most sought-after events closer to the Filipinos.”
Gagawing venue ang Mall of Asia (MOA) Arena para sa Governor’s Ball, National Gift Auction, National Costume, Fashion Show, Designer Showcase, After Party, at iba pa.
“SM Lifestyle Entertainment Inc. is proud to be a partner of the much-awaited Miss Universe 2017,” aniya.
Iba’t ibang aktibidad ang isasagawa hanggang sa pinakahihintay na Coronation Night sa Enero 30, sa MOA Arena kung saan mas malapit nilang matutunghayan ang ganda, galing at talino ng mga kandidata.
Ayon kay Arnel Gonzales, assistant vice president para sa MOA Arena, napili ang Arena para sa Miss Universe pageant dahil sa karanasan nito sa pagho-host ng iba’t bang event na ipinakita ang bansa sa buong mundo.
Idinaos na rin sa nasabing venue ang malalaking international event tulad ng APEC Economic Leader’s Meeting at Papal Visit, pati na rin ang mga entertainment act tulad ng Madonna, WWE Live, at Cirque du Soleil.
Noong Miyerkules, lumagda sa kasunduan ang DoT, SMLEI kasama ang Miss Universe Organization (MUO), LCS Holdings ni dating Ilocos Sur governor Luis Chavit Singson, Okada Manila at Solar Entertainment Inc., para idaos ang patimpalak sa bansa.
Sinabi na ng DoT na hindi gagastos ang gobyerno para sa event dahil ang gagastos dito ay ang mga katuwang ng DoT mula sa pribadong sektor.
Tinatayang aabot sa USD11 million hanggang USD15 million ang production cost ng patimpalak. (Philippines News Agency)