Nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang hinihinalang big-time drug lord na si Kerwin Espinosa at tiniyak niyang ilalahad niya ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa.

Dakong 3:42 ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang eroplanong sinakyan ni Espinosa mula sa Abu Dhabi, at sinalubong siya ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa hanggang sa maihatid sa PNP headquarters sa Camp Crame.

Nakaposas at nakasuot ng bullet-proof vest, iniharap ni Dela Rosa si Espinosa sa media matapos siyang sumailalim sa medical examination at booking procedure.

Sa press conference, humingi siya ng kapatawaran kay Pangulong Duterte sa lahat ng pagkakamaling nagawa niya.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Ang hiling ko lang sa ating presidente ay, humihingi ako ng tawad. Kung ano man ’yung nagawa ko dati, at bigyan ako ng pagkakataon na magbagong-buhay,” sinabi ni Espinosa sa mga mamamahayag.

“Ngayon ang sitwasyon ko ngayon, lalo na wala na Papa (Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr.) ko, maasahan mo lahat ng involved sa drug trade na nalalaman ko, lalabas lahat ang mga pangalan,” dagdag niya.

Una nang humiling na maisailalim siya sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DoJ), nakapiit na ngayon si Espinosa sa PNP Custodial Center.

ITINANGGI

Nauna rito, sa panayam ng isang TV network sa loob ng eroplano ay itinanggi ni Espinosa na isa siyang drug lord.

“No, that’s not true. I was involved in that but I’m not a drug lord of EasternVisayas,” sabi ni Espinosa. “I was selling illegal drugs then but I already stopped doing that.”

Nagpahayag din ng paniniwala si Espinosa na sinadyang patayin ang kanyang amang si Mayor Espinosa sa loob ng Leyte Sub-Provincial Jail upang patahimikin ito.

“That is not a shoot-out but a rubout. I believe that he was killed in order to silence him,” ani Espinosa.

Iginiit din ni Espinosa na hindi siya umalis sa bansa nitong Hunyo upang tumakas kundi upang matiyak ang kaligtasan ang kanyang asawa at tatlong anak.

IMBITADO

Kaugnay nito, inaasahan naman ni Mindoro Oriental Rep. Reynaldo Umali, chairman ng House Committee on Justice, na maiimbitahan si Espinosa sa Kamara upang magbigay-linaw sa listahan ng mga umano’y protektor ng sinasabing drug trafficking nito, batay na rin sa affidavit ni Mayor Espinosa.

Una nang inimbitahan ng Senate committees on justice and public order at dangerous drugs si Kerwin upang dumalo sa pagdinig sa susunod na linggo tungkol sa pagpatay kay Mayor Espinosa.

(Fer Taboy, Francis Wakefield, Ben Rosario at Hannah Torregoza)